Poster ng 'Team Patay at Team Buhay,' dapat nga bang ipagbawal?
Dahil labag umano sa batas sa pangangampanya bunga ng malaking sukat, nais ng Commission on Elections na alisin ng Diocese of Bacolod City ang nakapaskil nilang poster sa simbahan na 'Team Patay at Team Buhay.' Pero ang Korte Suprema, nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa direktiba ng Comelec. Ang TRO ay ipinalabas ng SC nitong Martes batay sa inihaing petisyon ni Most Rev. Bishop Vicente Navarra. Bunga ito ng Notice na ipinadala ng election officer ng Bacolod City na nag-aatas sa simbahan na alisin ang nasabing poster o campaign material dahil hindi ito naaayon sa itinakdang sukat ng Comelec. Nagpahayag ng pagkabigla si Comelec Chairman Sixto Brillantes sa mabilis na naging desisyon ng SC dahil hindi pa umano natatalakay sa mismong main office ng komisyon ang naturang usapin tungkol sa mga poster. Iginiit din ng opisyal na usapin tungkol sa tamang sukat ng poster na naka-display sa labas ng San Sebastian Cathedral ang kanilang pinupuna at hindi usaping pang-relihiyon. Ang “Team Patay" ay nagsasaad ng mga pangalan ng ilang kandidatong senador at party-list groups na sumuporta sa Reproductive Health Law habang mga kandidatong senador at party-list groups na lumaban sa RH law ang nakalagay sa "Team Buhay." Mahigpit na tinutulan ng Simbahang Katoliko ang pagpasa at pagsasabatas ng RH law. Sa resolusyon ng SC, inatasan nito ang Comelec na sagutin ang petisyon ni Navarra sa loob ng 10 araw. Itinakda naman ang oral argument sa Marso 19. Samantala, sinabi ni Fr. Melvin Castro, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life (CBCP-ECFL), na 52 parokya sa ilalim ng Diocese of Tarlac ang maglalagay din ng kanilang poster ng Team Patay/Team Patay. Ilalagay daw ang mga poster sa sandaling magtungo na sa lalawigan para mangampanya ang mga kandidatong senador. Mayroon pa umanong ibang diocese ang maglalagay ng mga Team Patay/Team Buhay poster bago ang Holy Week kung saan inaasahang dadagsa ang mga tao para magsimba. Kabilang umano sa mga diocese na nagpahayag na maglalagay ng kanilang poster sa mga simbahan ay ang Archdiocese ng Lipa, at Dioceses Kidapawan, Sorsogon at Borongan. “Actually kasi hindi naman tayo nag-e-endorse ng mga candidate. Ang nakasulat dun sa Team Patay and Team Buhay e kung sino yung mga party-list at senador na malinaw ang naging position kung sila ba ay pro or anti RH…bahala na ang tao mag-interpret dun," paliwanag niya. -- FRJ, GMA News