ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsasanay ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon, sinimulan na sa Pangasinan


Sinimulan na nitong Biyernes ang pagsasanay sa mahigit 1,000 guro mula sa iba’t-ibang lugar sa Pangasinan na magsisilbing Board of Election Inspector o BEI sa darating na halalan sa Mayo. Ilan sa mga itinuro ng mga election officer sa mga guro ay ang mga panuntunan na dapat sundin at ipatupad sa araw ng botohan.  Kabilang na dito ang pagkilala sa mga tao na puwede at hindi puwedeng pumasok sa lugar kung saan isinasagawa ang pagboto. Bagamat pareho rin ang mga patakaran noong 2010 elections, kailangan daw ipaalala muli sa mga BEI ang mga panuntunan lalo na ang pag-operate ng PCOS machine na gagamitin sa halalan. “Pinakaimportante during the sealing. They make sure na zero yung karga,” ayon kay Atty. Marino Salas, provincial election supervisor ng Pangasinan. Ipinaalala rin sa mga BEI na kailangang maging responsable sila sa trabaho at ipinagbabawal ang pagpabor sa sinumang kandidato. Magsisilbing chairman ng BEI ang guro na si Naci Gapasin, na matagal nang nagsisilbi sa eleksyon at kabisado na umano ang mga patakaran. “Kahit sinuman siya, dapat sumunod siya sa rules. Papasok lang 'pag boboto,”  deklara ni Gapasin Magtatagal ang pagsasanay ng mga BEI hanggang sa April 6. – CUTorida/GLCalicdan/FRJ, GMA News