Ang lalaking nagsalba at unang nakabasa ng 'Noli Me Tangere'
Alam niyo ba na kung hindi dahil sa tulong ng isang kaibigang duktor ni Gat. Jose Rizal ay baka hindi natin nabasa ang isa sa mga mahalagang obrang nobela na nilikha ng ating pambansang bayani na may pamagat na "Noli Me Tangere." Taong 1887 nang unang malathala ang 2,000 kopya ng Noli Me Tangere sa Berlin, Germany sa tulong ng kaibigan ni Rizal na si Dr. Maximo S. Viola, na nakasama nila sa paglilibot sa ibang bansa. Nang panahon iyon, problemado si Rizal sa pangtustos para malimbag ang kanyang nobela kaya pumasok sa isip niya na sirain na lamang ang nagawa na niyang manuskripto o naisulat sa kamay. Subalit dahil sumusuporta sa iba pang makabayang personalidad, pumayag si Viola -- isinilang noong Oktubre 17, 1857 sa San Miguel, Bulacan -- na gastusan ang pagpapalimbag ni Rizal ng Noli Me Tangere. Bilang pasasalamat ni Rizal, ibinigay niya kay Viola ang galley proofs at ang unang kopya ng nalimbag na libro, at kumpirmasyon na ito ang unang tao na nakabasa at tumangkilik ng kanyang nobela. Pumanaw si Viola sa edad 76 noong Setyembre 1933 sa kanyang bayan sa Bulacan. - FRJimenez, GMA News