ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang babae, nalunod sa swimming pool sa Malasiqui, Pangasinan


Nauwi sa trahedya ang masaya sanang outing ng isang pamilya sa Malasiqui, Pangasinan nang malunod ang isang anim-na-taong-gulang na bata sa swimming pool ng pinuntahan nilang resort. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabi umano ng kaanak ng biktima na mag-isang naligo ang bata sa pool na may lalim na limang talampakan. Nang hanapin ang bata, tanging tsinelas na lang nito ang nakitang lumulutang sa pool. Nang sisirin ang pool, nakita ang bata sa ilalim ng tubig. Hindi na naliligtas ang buhay ng biktima nang dalhin sa pagamutan. Sinisisi ng mga kaanak ng bata ang lifeguard at pamunuan ng resort dahil sa kakulangan umano ng nagbabantay. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng resort. Plano ng mga kaanak ng bata na kasuhan ang may-ari ng resort. - FRJ, GMA News