ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOJ sa NBI:palakasin pa ebidensya kay Leviste


Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na kumalap ng mga dagdag na ebidensiya upang lalong palakasin ang kasong murder na isinampa laban kay dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste Sinabi ni Senior state prosecutor Emmanuel Velasco nitong Huwebes na pinakukuha niya sa NBI ang mga pahayag ng security escorts at driver ni Leviste kaugnay sa pagkakapatay ng empleyado nitong si Rafael delas Alas. "I ordered the NBI to question everyone who was at the scene of the crime, including security escorts and his driver," pahayag ni Velasco sa isang panayam sa radio. Nauna nang inamin ni Leviste na nabaril at napatay niya si Delas Alas noong Enero 12 matapos nilang magtalo. Sinabi ni Velasco na makapagbibigay ng impormasyon sa iba pang detalye sa insidente ang mga taong nasa gusali nang mangyari ang pagpatay. Hindi pinaniniwalaan ni Velasco ang pahayag ni Leviste na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili nang mabaril si Delas Alas dahil iba umano ang ipinapakita ng isinagawa nilang imbestigasyon. Sinabi pa nito na may pagtatraydor sa pagpatay dahil isa sa mga tinamong tama ng bala ni Delas Alas ay sa likod ng ulo habang nakasaad sa autopsy report na tinangkang sanggain ng kamay ng biktima ang tama ng baril. "Even if the shot was not from behind, if it was so sudden and unexpected, there is an element of treachery," pahayag nito. Sinabi pa na tinangka rin umano ni Leviste na yayaing makipag-inuman si Delas Alas. Lumabas din umano sa pagsusuri na tinutukan ni Leviste ng baril si Dlas Alas. "He taunted the victim with a handgun by grazing it on his head. That's cruelty," ayon kay Velasco. Kasakuluyang nakakulong sa cell 3 ng Makati City jail si Leviste.- Amita Legaspi, GMANews.TV