ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Itim na usok tanda na wala pang napiling Santo Papa sa isinasagawang conclave


Itim na usok ang nakitang lumabas mula sa chimney ng Sistine Chapel nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Pilipinas), hudyat na wala pang napili na panibagong papa sa pinakaunang botohan sa conclave. Libo-libong mga tagasuporta ang nagtipon-tipon sa St. Peter's Square upang bantayan ang paglabas ng usok mula sa makitid na chimney ng simbahan.

Ang itim na usok na lumabas mula sa chimney sa Sistine Chapel sa Vatican City ay simbolo na wala pang napili na Santo Papa sa unang botohan ng conclave. Reuters
Matapos magdasal, nangako ang mga kardinal na huwag maglabas ng kahit anong detalye tungkol sa deliberasyon. Nagkulong sila sa loob ng simbahan. Ayon sa ilang mga kardinal, maaaring tumaggal ng apat o limang araw ang pagpili ng panibagong papa na papalit kay Pope Emiritus Benedict XVI, na nagbitiw noong nakaraang buwan. Mananatili muna ang mga tinatawag na "Princes of the Church" ngayong gabi sa Vatican hotel bago bumalik sa Sistine Chapel ng Miyerkules upang ipagpatuloy ang botohan, dalawang beses sa umaga at dalawa muli sa hapon. Hangga't hindi pa napipili ang panibagong papa, ang natatanging komunikasyon nila sa madla ay ang usok na lalabas sa chimney ng simbahan – itim na usok ang lalabas kapag hindi pa nakapili at puti naman kung mayroon nang nahirang. Inaasahang haharap ang 266th pontiff ng maraming problema, kabilang na ang mga sex abuse scandal, pagtutunggali sa loob ng Vatican bureaucracy at paglaganap ng secularism sa Europa at sa buong mundo. Habang di pa malinaw kung sino ang susunod na papa, umaasa ang ilang mga obispo na magkaroon ang Simbahan ng matibay na pinuno ng central administration o ang Curia. Samantala nais naman ng ilan ng maimpluwensyang pastor na magsusulong sa pananampalataya ng buong mundo. Nagtipon-tipon ang mga turista at mga residente, kabilang na si dating European Commission president Romano Prodi, sa St. Peter's Square upang masaksihan ang makasaysayang pag-usok. "I have just come as an ordinary citizen to see this," aniya sa Reuters. "And isn't it beautiful?" — Amanda Fernandez /LBG, GMA News