11 katao na sangkot sa iligal na 'hulbot-hulbot' fishing, dinakip sa Iloilo
Dinakip ng mga awtoridad ang 11 katao, kabilang ang kapitan ng bangka na sangkot umano sa iligal na uri ng pangingisda sa Banate, Iloilo na kung tawagin ay "hulbot-hulbot." Ang pagdakip sa mga iligal na mangingisda ay pinangunahan ng mga kasapi ng Provincial Bantay-Dagat matapos makatanggap ng reklamo mula sa maliliit na mangingisda sa Banate. Namataan ng mga maliliit na mangingisda ang isang bangka na nagsasagawa umano ng "hulbot-hulbot" sa layong limang kilometro mula sa pantalan ng nabanggit na bayan sa Iloilo. Ang "hulbot-hulbot," ay isang uri ng pangingisda kung saan hinuhukay ang ilalim ng dagat para mataboy ang isda papunta sa lambat na nakakasira sa mga bahura o coral kaya ito ipinagbabawal. Sa isinagawang operasyon ng Bantay-Dagat, nagtangka pa umanong tumakas ng iligal na mga mangingisda at balak pang banggain ang bangkang sinasakyan ng mga operatiba. Pero nag-warning shot ang hepe ng Bantay-Dagat kaya tumigil ang mga ito. Nang siyasatin ang bangka ng grupo, may nakumpiskang bote na ginawang dinamita. Iginiit ng mga tripolante na hindi nila ginagamit ang dinamita pero aminado umano ang mga ito na iligal ang paraan ng kanilang pangingisda. Pinaigting ng pamahalaang panlalawigan ang kampanya laban sa iligal na pangingisda para protektahan ang karagatan. Nakakulong sa himpilan ng pulisya ang mga nadakip na mangingisda.-- Bernard Bernal/FRJ, GMA News