ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Simbahang Katolika, dapat nakatuon sa Ebanghelyo — Pope Francis  


VATICAN CITY — Hinimok ng bagong halal na Pope Francis ang Simbahang Katolika na manindigan sa mga aral ng Ebanghelyo na siyang pinagmulan ng institusyon. Inihayag ito ng bagong papa sa kanyang kauna-unahang Misa noong Huwebes matapos siyang itanghal bilang pinuno ng Simbahang may mahigit 1 bilyong miyembro. Aniya, dapat umanong tanggihan ng mga mananampalataya ang lahat ng uri ng "modern temptation" kung ayaw nilang maihalintulad ang Simbahan sa isang institusyong pangkawang-gawa lamang at malimutan ang totoo nitong misyon.   Sa tono umano ng bagong papa na taga-Argentina, ayon sa ulat ng Reutres, inilatag ng lider ang isang malinaw na "moral path" para sa mga katoliko sa gitna ng mga iskandalo, intriga at tunggalian sa loob mismo ng Simbahan.   Sa Misa ding iyon sa loob ng Sistine Chapel, sinabi rin niya sa mga kardinal na naghalal sa kanya na dapat nakatuon ang kanilang atensyon sa magandang balita ni Hesukristo. "We can walk all we want, we can build many things, but if we don't proclaim Jesus Christ, something is wrong. We would become a compassionate NGO and not a Church which is the bride of Christ," sinabi niya sa salitang Italian. Ayon sa ulat ng Reuters, sa loob umano ng 1,300 na taon, si Bergoglio ang kauna-unahang papa na hindi taga-Europa at ang kanyang mga pahayag mula nang mahalal ay tumutukoy sa isang istilo ng liderato na may pagkiling sa pagiging mapagkumbaba at pagiging simple ng mga opisyal ng institusyon.   "When we walk without the cross, when we build without the cross and when we proclaim Christ without the cross, we are not disciples of the Lord. We are worldly," wika niya sa harap ng mga kardinal na nakasuot ng mala-gintong kasuotan.   "We may be bishops, priests, cardinals, popes, all of this, but we are not disciples of the Lord," dagdag pa niya.   Si Pope Francis, na kilala sa kanyang simpleng mamumuhay, ay tahimik umano na nagdasal sa loob ng isang basilica sa labas ng Vatican bago magsagawa ng kanyang kauna-unahang Misa bilang papa.   Ayon sa ulat ng Reuters, iginiit umano ni Pope Francis na siya na ang magbabayad ng kanyang mga nagastos habang nasa Vatican sila para sa conclave. "He was concerned about giving a good example of what priests and bishops should do," ayon sa  tagapagsalita ng Vatican. Sinabi umano ni Father Pawel Rytel-Andrianik, na nakatira sa Roma,  "I don't think he needs to worry about the bill. This house is part of the Church and it's his Church now."   Maayos na kalusugan  Sa edad na 76, malusog umano ang pangangatawan ng Santo Papa.  "The Vatican said on Thursday he was 'in very good shape' despite having a lung partially removed more than 50 years ago," ayon sa ulat ng Reuters.   Si Bergoglio, kauna-unahang papa na Heswita, ay kauna-unahang papa rin na pumili sa papal name na Francis, bilang pagpugay sa buhay at ehemplo ni St. Francis of Assisi, na tumalikod sa karangyaan at kayamanan upang mamuhay na simple kasama ang mga mahihirap. Ayon kay French Cardinal Jean-Pierre Ricard: "We were looking for a pope who was spiritual, a shepherd. I think with Cardinal Bergoglio, we have this kind of person. He is also a man of great intellectual character who I believe is also a man of governance." — LBG, GMA News