ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima: 38 kapanalig ni Sultan Kiram na nasabat sa Tawi-Tawi mula sa Sabah, kakasuhan


Inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Biyernes na sasampahan ng kasong kriminal ng gobyerno ang 38 miyembro ng Royal Security Forces (RSF) ni Sultan Jamalul Kiram III na nanggaling sa Sabah. Ayon sa kalihim, kabilang sa mga kaso na isasampa sa mga tagasuporta ni Kiram na nasabat sa Tawi-Tawi ay paglabag sa Election Gun Ban at sa Article 118 ng Revised Penal Code (Inciting to War or Giving Motives for Reprisals). Sinabi ni De Lima na isinalang sa inquest proceedings sa Tawi-Tawi ang 38 tagasuporta ni Kiram nitong Huwebes na tumagal ng hanggang 8:00 p.m. Ang inquest proceeding ay isinasagawa ng piskalya para suriin kung may basehan ang isasampang kaso. Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy ang grupo ng royal army noong Miyerkules na pinaniniwalaang tumakas mula sa engkwentro sa Sabah na nagsimula noong Marso 1. Sakay ng dalawang bangka ang mga tagasuporta ni Kiram nang maharang ng Navy sa karagatang sakop ng Tawi-Tawi. Kasalukuyang nakadetine ang 38 miyembro ng royal army sa Panglima Sugala sa Tawi-Tawi. Sa isang panayam sa radyo, itinanggi ng kampo ni Kiram na tagasuporta nila ang lahat ng mga nadakip. Sa nasabing bilang, sinabi ni Fatima Cecilia, asawa ni Kiram, na  22 lamang dito ang kanilang mga tagasuporta. "Ang mga volunteer lawyer tutulong, headed by Leonard de Vera," pahayag ni Fatima sa panayam ng dzBB radio.   Raja Muda Samantala, sinabi ni Tawi-Tawi Gov. Sadikul Sahali na hindi kasama sa mga nasabat na miyembro ng royal army si Raja Muda Agbimuddin Kiram, ang lider ng grupo na nagtungo sa Sabah.   Inihayag naman ni Senior Superintendent Joselito Saludo, Tawi-Tawi police director, na "nagkahiwa-hiwalay sila sa area. Even si Datu (Agbimuddin) Kiram, hindi nila alam kung nasaan. And they are still hoping he is still alive. Wala na silang communication."   Tiniyak din ni Abraham Idjirani, tagapagsalita ng mga Kiram, na kaagad silang magpapadala ng abogado sa mga nasabat na kasapi ng royal army. -- FRJ, GMA News