Dalagitang nawawala, natagpuang patay; lalaking nagturo sa bangkay, umamin sa krimen
Nagwakas sa bakanteng lote sa isang subdibisyon sa Los Baños, Laguna ang may dalawang linggong paghahanap sa isang 11-anyos na babae na natagpuang patay at nagsisimula nang maagnay ang bangkay. Nitong Marso 1 nang mawala ang biktimang si Mary Grace Esguerra matapos utusan ng ina na kumuha ng pera sa kanyang ama. Nitong Huwebes ng hapon, itinuro ng pedicab driver na si Henry Hipolito ang bangkay na aksidente umano niyang nakita. Natagpuan ang bangkay ni Esguerra sa bakanteng lote sa Villa Carangal Subdivision. Wala itong suot na damit at nakababa ang jogging pants. Ngunit nagduda ang pulisya kay Hipolito dahil sa pabago-bago nitong pahayag at may nakita ring mga galos sa kanyang katawan. Noong una ay itinanggi ni Hipolito na may kinalaman siya sa pagkamatay ng biktima. Pero nitong Biyernes ng hapon, inamin niya sa pulisya na siya ang pumatay sa bata. Bagaman binalak daw niyang halayin ang biktima, sinabi ni Hipolito na hindi natuloy ang kanyang plano. Itinuro din niya sa mga pulis ang bato na ginamit niya sa pagpukpok sa ulo ng biktima nang magsisigaw na ito. Labis naman ang hinanakit ng pamilya ni Mary Grace dahil hindi nila inaasahan na mismong kakilala nila ang gagawa ng masama sa biktima. Hihintayin naman ang resulta sa isinagawang otopsiya sa mga labi ng biktima para malaman kung hinalay ito ni Hipolito. -- FRJimenez, GMA News