Ang batang heneral na tagapagpalaya ng Tarlac
Kilala niyo ba kung sino ang rebolusyunaryong heneral na kinikilala na naging tagapagpalaya ng Tarlac at iba pang karatig-lugar nito na mahusay ring magsulat ng mga tula at dula? Isinilang sa La Paz, Tarlac, lumaban sa mga mananakop na Kastila si Francisco Macabulos, na hinirang na brigadier-general ni Gen. Emilio Aguinaldo noong Hunyo 1897 sa Mt. Puray Assembly sa edad na 26. Ang grupo na pinamunuan ni Gen. Macabulos ang sinasabing nagpalaya sa Tarlac mula sa kamay ng mga mananakop. Gayundin sa ilang bayan sa kalapit na lalawigan na Pangasinan at Pampanga. Ngunit bago sumiklab ang rebolusyon, humahawak na ng lokal na posisyon si Macabulos sa kanyang bayan sa La Paz. Mahilig din siyang gumawa ng mga tula at dula na sinasabing namana niya sa kanyang ama. Sa pagpasok ng bagong mananakop na mga Amerikano, nagdesisyon si Macabulos na itigil na ang pakikipaglaban sa mga dayuhan dahil na rin sa pagsilang ng panibago niyang anak. Matapos ang ilang taong pakikipaglaban para sa bayan, itinuon naman ni Macabulos ang kanyang buhay para sa kanyang pamilya. Pumanaw siya sa sakit na pneumonia noong Abril 1922 sa edad na 50. - FRJ, GMA News