ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Edukasyon sa Pilipinas, karapatan o pribilehiyo?


Valedictorian man si Annabelle Cordero sa 1,400 fourth year high school students na magtatapos sa isang pampublikong paaralan sa Payatas, Quezon City, hindi pa rin tiyak siya nakatitiyak kung makatutuntong siya sa kolehiyo. At kahit nakapasa si Annabelle sa pagsusulit ng University of the Philippines-Diliman, hindi pa rin ito kasiguraduhan upang tuluyan nga siyang makapasok sa nasabing prestihiyosong unibersidad. Sa P300 na kinikita ng kanyang mga magulang sa pagtitinda ng lugaw, hindi ito makakasapat upang tustusan ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Gayunpaman, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Annabelle. "Siguro po hindi naman po ako pababayaan ni Lord kaya makakahanap at makakahanap din po ng paraan para sa pag-aaral ko... Sa sarili po natin, siyempre hindi rin po tayo susuko kasi hindi naman po pwedeng aasa lang tayo nang aasa kay God," pahayag ni Anabelle sa isang panayam sa programang "24 Oras" nitong Huwebes. Ayon sa report, nag-apply si Annabelle sa bracketing scheme ng UP sa pag-asa na wala na siyang babayarang matrikula.   Sa mga magtatapos sa high school ngayong Marso, hindi nag-iisa si Annabelle sa kanyang mithiin upang makatapak ng kolehiyo, tanging balakid nga lamang ang pinansiyal na kakayahan. Sa isang survey ng Department of Education noong 2005, lumalabas na halos kalahati lang sa mga nakapagtapos sa high school ang interesadong mag-aral sa kolehiyo. Ang ilan sa mga ito, gusto na lamang magtrabaho. May ilan din na gustong mag-aral subalit wala naman pangtustos. "Nalulungkot ako dahil talagang maraming hindi nakakapag-pursue sa college. Kaya lang, isyempre yung iba naman talagang gumagawa ng paraan. Nanghihinayang kami lalo na at alam naming may potensiyal ang bata," ani Cristina Felinciano, journalism adviser ni Annabelle. Konsultasyon sa mga magulang at estudyante, nasusunod nga ba? Bukod sa pangtustos sa pag-aaral, problema rin ng ilang magulang at mag-aaral sa ngayon ang pagtataas ng matrikula sa mga paaralan. Sa isang report ni Jessica Soho sa programang "State of the Nation" nitong Biyernes, inilahad niya na halos 300 paaralan na ang nagsabi sa Commission on Higher Education (CHED) na magtataas sila ng singil sa matrikula sa darating na pasukan. Hindi raw tataas sa sampung porsiyento ang hinihinging dagdag na singil ng mga paaralan. Noong nakaraang taon, mahigit lamang sa 200 paaralan ang nag- abiso sa CHED na magtataas sila ng singil sa matrikula. Noong Miyerkules, ilang estudyante mula sa ibat-ibang colleges and universities sa Davao City ang nagsagawa ng demonstrasyon sa harapan ng tanggapan ng CHED  para iprotesta ang umano'y patuloy na pagtaas ng singil sa matrikula. Sa Davao City pa lamang, halos lahat ng mga paaralan ang planong magtaas ng kanilang singil sa matrikula. Habang tig-tatlo naman sa Davao del Sur at Davao del Norte, at isa sa Compostela Valley. Paalala ng CHED, bago nila apprubahan ang pagtataas sa matrikula, dapat may konsultasyon muna sa pagitan ng eskuwelahan, mga magulang at mga estudyante bago maipatupad ang pagtaas. Ngunit, nasusunod nga kaya ito? Ayon sa ahensya, kailangang magsumite ng consultation at compliance report ang mga eskwelahan bago dumating ang Abril 1 saka nito maaaring aprubahan ang aplikasyon ng tuition hike. Sa pananaw ni Jessica Soho sa "Postscript" ng "SONA," sinabi niyang: "Ayaw mang aminin ng marami sa atin, ang edukasyon ay hindi karapatan kundi pribilehiyo para sa iilan," ani Soho.  -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News

Tags: talakayan