ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ateneo Law School grad, nanguna sa 2012 Bar exams


Graduate ng Ateneo Law School ang nanguna sa 949 na nakapasa sa 2012 Bar examinations na isinagawa noong Oktubre. Nanguna sa pagsusulit si Ignatius Ingles (na may average score na 85.64 porsyento) na sinundan naman ng kanyang kapwa Ateneo graduate na si Catherine Beatrice King Kay (84.72) at April Carmela Lacson ng University of the Philippines (84.48). Si Ingles ang salutatorian ng Ateneo Law School, habang valedictorian naman si King Kay. Kabilang din sa top 10 ay sina Xavier Jesus Romualdo ng Ateneo (84.1); Maria Graciela Base ng UP at Jose Maria Angel Machuca ng Ateneo (83.99); Patrick Henry Salazar ng UP (83.71); Ralph Karlo Barcelona ng Aquinas University (83.43); Marvyn Llamas ng Ateneo (83.29); Carlo Martin Li ng Ateneo (83.27); at Francis Paolo Tiopanco ng UP (83.25). Kabilang din sa mga nakapasa ang anak ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Jose Lorenzo Sereno, na mula ring Ateneo. Nag-inhibit si Sereno mula sa special en banc session. Ayon sa website ng Korte Suprema, 5,686 ang orihinal na bilang na kumuha ng Bar ngunit 5,343 lamang ang nakakumpleto ng apat na Linggong eksaminasyon. Mas mababang passing rate Mula sa 5,343 law graduates na kumuha ng pagsusulit, 17.76 porsyento (949) lamang nito ang pumasa — mas mababa kung ikumpara sa 31.95 passing rate noong 2011 Bar exams. Inilabas ang listahan ng mga pumasa sa Korte Suprema at ipinakita sa wide screens sa harapan ng gusali, malapit sa Padre Faura entrance, sa Maynila. Sa isang special full court session noong Martes ng umaga, pinahintulutan ng Korte Suprema ang Office of the Bar Confidant na i-decode ang test papers – ang proseso kung saan itinutugma ang examination number sa pangalan ng examinee. 'Thankful to God' Sa panayam na umere sa "Balitanghali" ng GMA News TV nitong Miyerkules, inihayag ni Ingles na una niyang nalaman ang resulta mula sa mga ulat sa media. "Actually, I don't think it has sunk in yet but I guess I'm happy," aniya. Nang tanungin tungkol sa pagsusulit, na pinaniniwalaang pinakamahirap sa mga licensure examination, sinabi ni Ingles na ito ay "very taxing." "Ang daming questions tapos it's like you were answering two exams kasi you have the multiple choice and then you have the essay type," aniya. Ayon sa kanya, magsisimba muna siya bilang pasasalamat. "I would like to give thanks to God and then of course to my wife who was always there and to all those who took the Bar I hope you all pass and I'm hoping to see my Ateneo batchmates," aniya. 2012 Bar exams Mahigit 5,000 law school graduates ang kumuha ng Bar exams sa apat na Sabado ng Oktubre noong nakaraang taon na ginanap sa University of Santo Tomas sa may España Boulevard sa Maynila. Sa 2011 Bar examinations, 31.95 porsyento o 1,913 sa 5,990 examinees ang nakapasa. Ito ang ikalawang pinakamataas na passing rate mula noong 2000. Isang Ateneo Law School graduate din ang nanguna sa pagsusulit noong 2011. Samantala, ang passing rate noong 2010 Bar ay 20.26 porsyento. Ginanap sa UST, sa ikalawang pagkakataon, ang 2012 Bar examinations. Ang paglipat ng venue ay dala na rin ng paghihipit ng seguridad matapos ang grenade attack sa Bar exams noong 2010 nang isinasagawa ang pagsusulit sa De La Salle University sa Taft Avennue. Maliban sa oras at lugar, may ilan ding pagbabago sa  pagsusulit kumpara sa isinagawa noong 2011, kabilang na ang paggamit ng multiple-choice questions (MCQ) at essay-type questions na hindi umano "Bar-subject specific." Nahahati ang pagsusulit sa dalawang essay: pagsulat ng trial memorandum o desisyon base sa documented legal dispute; at paghahanda ng legal opinion para sa isang kliyente tungkol sa isang "potential legal dispute." Iko-compute ang grade mula sa multiple-choice exam results (60 porsyento weight nito), at sa essay-type exam results (40 porsyento). Noong 2011 Bar exams unang ginamit ng Korte Suprema ang multiple-choice questions. Sa huling dalawang taon, mas mabigat ang MCQ (60 porsyento) kumpara sa resulta sa essay-type questions (40 porsyento) sa pag-compute ng final grade. Sa darating na Bar exams nitong 2013, napagpasyahan ng high court na gawing 20 porsyento ang multiple choice questions (MCQ) at 80 porsyento ang essay-type na mga tanong. Ang 20-porsyentong MCQ bahagi ng pagsusulit ay mahahati sa apat o limang fact situation. Sa kabilang banda, ang 80-porsyentong essay na bahagi ay mahahati sa walong dibisyon, 10 puntos bawat isa, at mayroong dalawang fact bawat dibisyon mula sa mga tanong na mabubunot. Mas kaunti ang bilang ng mga examinee noong Oktubre kumpara sa mga kumuha noong 2011, kung saan 6,200 law school graduates ang kumuha ng pagsusulit. Men-women ratio Mas maraming babae ang nakasama sa top ten sa huling 12 taon ng pagsusulit: (71) mga babae ang nasa top-notch laban sa (59) na mga lalaki noong 2000 hanggang 2011. Ang Setyembre 2008 Bar exams ang mayroong pinakamaraming babaeng nasa top-notch. Sa 12 na nsa top, 10 sa kanila ay mga babae, na pinangunahan ni Judy Lardizabal ng San Sebastian College sa 85.70 porsyento na rating. Si dating senador Tecla San Andres-Ziga ang pinakaunang babaeng nanguna sa Bar noong 1930, sa rating na 89.4 porsyento. Gayunpaman, mga lalaki ang kadalasang nangunguna mula nitong bagong milenyo, sa bilang na pitong lalaking law graduates sa huling 12 taon. Sila ay:

Eliseo M. Zuniga Jr of  UP (2000); Rodolfo Ma. A. Ponferrada of UP (2001); Aenas Eli S. Diaz of Ateneo (in 2003); Noel Neil Q. Malimban of the University of the Cordilleras (2006); Reinier Paul Yebra of the San Beda College (84.88 in 2009); and Cesareo Antonio Singzon of the Ateneo (89.00 in 2010). Raouel Angelo Atadero of the Ateneo (2011).
Samantala, ang limang babaeng nanguna sa Bar exam nitong bagong milenyo ay sina:
Arlene M. Maneja of the University of Sto. Tomas (92.90 in 2002); January A. Sanchez of UP (87.45 in 2004); Joan A. de Venecia of UP (87.20 in 2005); Mercedita Ona of the Ateneo de Manila University (83.55 in 2007); and Judy Lardizabal of the San Sebastian College (85.7 in 2008).
Law schools Mula 1913, karamihan sa mga Bar top-notch ay mula UP (mahigit kumulang 50), kabilang na ang mga dating Pangulo ng Pilipinas na sina Manuel Roxas (1913), Ferdinand Marcos (1939); at si dating Senator Jovito Salonga (1944); Senator Aquilino "Koko" Pimentel III (1990); at dating Defense Minister Gilberto Teodoro Jr (1989). Ilan sa mga prominenteng top-notch mula sa University of Santo Tomas ay si dating Pangulong Diosdado Macapagal (1936) at sa Ateneo Law School naman ay si upreme Court Justice Arturo Brion (1974). — Amanda Fernandez /LBG, GMA News