Antas ng langis sa tubig-dagat ng Boracay, tumaas; pero coliform level, bumaba
Hiningi ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tulong ng mga stakeholders sa Boracay para mapanatili ang magandang kalidad ng beach sa isla. Ayon kay Samson Guillergan, EMB regional director, batay sa pinakahuling survey na ginawa ng kanilang ahensiya, lumitaw na tumaas ang oil level sa tubig ng isla. Ilan umano sa dahilan sa pagtaas ng antas ng langis sa tubig-dagat ay ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng maruming tubig mula sa mga bangka sa Boracay. Nakadadagdag din umano sa problema mga isinagawang sea water sports activities, paggamit ng mga lotion at mga cooking oil na itinatapon lang sa imburnal. Inaasahan ni Guillergan na tataas pa ang oil level sa karagatan ng isla dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa Boracay ngayong panahon ng bakasyon. Iprinisinta ni Guillergan sa mga stakeholders ng Boracay ang kanilang natuklasan kasama ang panawagan na magtulungan ang lahat para maging malinis ang baybayin ng isla. Sa kabila ng pagtaas ng antas ng langis sa tubig, nanatiling ligtas na paliguan ang Boracay ngayong summer dahil bumaba naman ang water coliform level nito. Nagsasagawa ng laboratory tests sampling ang EMB-DENR tuwing ika-dalawang buwan sa Boracay para patuloy na masuri ang kalidad ng tubig baybayin nito. -- Jun N. Aguirre, FRJ, GMA News