ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 lalaki, at 2 pusa, patay matapos kumain ng butete sa Ilocos Norte


Isang lalaki at dalawang pusa ang namatay matapos lutuin at kainin ang napulot na butete sa baybaying-dagat sa Badoc, Ilocos Norte. Kinilala ang nasawi na si Orlando Villa, habang isinugod naman sa ospital ang kaibigan nitong si Manuel Valdez. Ayon kay Valdez, nakaramdam sila ng matinding pagkahilo at pananakit ng tiyan ilang minuto matapos kainin ang nilutong butete. Alam din umano ni Valdez na nakalalason ang butete pero kinain pa rin nila ito sa pag-aakalang mawawala ang lason kapag niluto. Ang kasamahan ni Valdez na si Villa, isinugod din sa ospital matapos mabigyan ng paunang lunas pero binawian din ng buhay. Ayon sa isang barangay kagawad na tumulong sa mga biktima, binigyan niya ng mainit na gatas si Villa pero ilang sandali lang ay nagsuka na umano ito ng dugo. Bukod kay Villa, dalawang pusa rin na nakakain sa butete ang namatay. Sinabi ni Arthur Valente, ng Fishery Regulatory Coordinator ng Provincial Agriculture Office,  hindi dapat kinakain ang butete dahil nagtataglay ito ng tetrodotoxin, isang uri ng nakalalasong kemikal na nakaapekto sa nervous system. -- Jean Erica Labiano/FRJ, GMA News