ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paalala ng DFA: 'Wag tawagin ang Sabah na bahagi ng Malaysia


Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs noong Martes ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno na hindi dapat tawagin ang  Sabah bilang bahagi ng Malaysia dahil may nakabinbin pang "claim" ang Pilipinas sa lugar na ngayon ay kontrolado ng Kuala Lumpur. Ayon kay Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA, ang direktiba ay nakasaad sa Memorandum Circular 162 na pinirmahan noong 2008 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at nananatili pa rin ang bisa nito. “It [MC 162] is an existing circular which has not been amended or changed yet,” ayon kay Hernandez sa isang press briefing. Pinagtatalunan pa rin ng Pilipinas at Malaysia ang pagmamay-ari sa Sabah sa hilagang Borneo sa katimugang bahagi ng Mindanao.  Ilang dekada na ring nakabinbin ang "claim" ng Pilipinas sa Sabah, habang nagpapatuloy na nagbabayad ang Malaysia ng taunang upa sa paggamit sa lugar. Ang renta ay ibinibigay sa mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu, na nagsasabing ang Sabah ay ibinigay sa sultanato ilang daang taon na ang nakalilipas. Noong ika-12 ng Pebrero, ipinadala ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III ang ilan sa kanyang mga tauhan sa Sabah upang igiit na sila ang nagmamay-ari sa teritoryo. Nagbunga naman ito ng marahas na aksyon ng Malaysia. Ayon kay Kiram, napagpasyahan niyang magpadala ng mga tauhan sa Sabah matapos balewalain ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pagsisikap ng sultanao na humingi ng mas mataas na renta mula sa Malaysia. Sinabi pa ni Kiram na pinaupahan ng kanyang mga ninuno ang Sabah sa isang British company noong dekada 1870, ngunit kinamkam umano ng Great Britain at idinugtong ang lupain sa teritoryo ng Malaysia nang binigyan ng Britanya ng kalayaan noong 1963 ang dating kolonya nito. Ayon kay Hernandez, dine-discourage ng direktiba – MC 162 – ang halat ng mga ahensya ng gobyerno na tawagin ang Sabah na bahagi ng teritoryo ng Malaysia. Batay sa mga datos, mayroong 800,000 mga Filipino sa Sabah. “It is important that we follow these guidelines of 2008 so that we have a consistent position regarding this issue,” ayon kay Hernandez. Ito'y sinabi ni Hernandez isang araw matapos ihayag ni Justice Secretary Leila de Lima na isinumite na ng tanggapan nito sa Pangulo ang resulta sa kanilang "legal study" tungkol sa "claim" ng Pilipinas sa Sabah. — LBG, GMA News