ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Amo ng bayaning-aso na si Kabang, sabik nang makasama muli ang alaga


Inaabangan na ni Rudy Bunggal, amo ng bayaning aso ng Pilipinas na si Kabang, ang pag-uwi ng kanyang alaga matapos ang facial reconstructive surgery sa United States. "Rudy misses Kabang very much and is anxious for her to come home," inihayag ng grupong Care for Kabang sa kanilang opisyal na Facebook page. Inaasahang sasailalim sa kanyang huling operasyon si Kabang sa susunod na linggo. Kasalukuyang nasa US siya mula pa noong Setyembre ng nakaraang taon matapos makalikom ng sapat na pondo ang Care for Kabang, mahigit-kumulang $20,000 para sa kanyang operasyon sa University of California-Davis. Natanggal ang kanyang nguso at panga nang iligtas nito ang dalawang batang babae na mababangga na sana ng motorsiklo sa Zamboanga City noong 2011. Noong Martes, dumating sa California si Care for Kabang founder Karen Kenngott at isa sa mga Pilipino beterinaryo ni Kabang na si Dr. Ed Unson, para sa pinakahuling operasyon ng aso. Gamit ang Skype, nakapag-video conference sila kay Bunggal, na naghayag ng kanyang pangungulila sa kanyang alaga. Kasalukyang nagpapahinga pa si Kabang matapos sumailalim sa unang bahagi ng kanyang facial recosntructive surgery noong Marso 6. Sumailalim siya sa operasyon upang hindi maimpeksyon ang kanyang sugat. Hindi na maaaring manumbalik sa dating hugis ng kanyang nguso at panga, ngunit makatutulong ang reconstructive surgery upang maiwas sa maimpeksyon si Kabang, ayon sa mga doktor nito. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News