ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang pagpako ng tao sa krus sa Balanga, Bataan, naganap na


Mapayapa at ligtas na naisagawa sa Balanga, Bataan ang kanilang unang pagpapako ng tao sa krus nitong Biyernes Santo. Ayon kay Renato dela Cruz na gumanap na Kristo sa senakulo, wala siyang naramdaman nang bumaon na sa kanyang mga palad ang dalawang malalaking pako.
 
“Wala akong naramdaman sa tindi ng panata ko. Hindi ko na alam kung ipinapako ako sa krus o hindi,” pahayag ni dela Cruz, 26-anyos, isang construction worker.
 
Ito ang una niyang pagkakataon na gumanap na Kristo, at unang pagkakataon din na aktuwal na nagpako sila ng tao sa krus.
 
Sa mga nakaraang senakulo, itinatali lang sa krus ang gumaganap na Kristo pagsapit ng Biyernes Santo.
 
“Uulit-ulitin ko habang hindi nagtatagumpay ang panata ko sa buhay,” sabi ni dela Cruz habang ipinapakita ang nakabenda niyang mga kamay.
 
Inamin naman ni Willy Cabana, television technician at gumanap na sundalong Romano, na matinding kaba ang naramdaman nang pukpukin na niya ang pakong ibinaon sa palad ni dela Cruz.
 
“Kinabahan ako ng husto dahil first time ko itong ginawa pero salamat naman at maayos,” sabi ni Cabana.
 
Ayon kay Cupang North barangay captain Elmer Castrence, kagustuhan ng kanyang mga kabarangay ang kauna-unahang senakulo na pagpako ng tao sa krus. 
 
“Maganda naman ang naging resulta kahit medyo magulo dahil simula lamang. Sa susunod, maiaayos na namin,” sabi ng kapitan.
 
Masaya rin ang tatlong nag-organisa ng senakulo na sina Jun Domeng, Geofrey Timbang at Eric Gomez, dahil naging matagumpay ang kanilang proyekto at naipakita umano sa mga tao kung paano ang pagbabalik-loob sa Diyos.
 
Gumanap sina Domeng, Timbang at Gomez bilang mga apostoles, na pawang nagpasugat sa kanilang likuran sa pamamagitan ng pagpapahampas sa likod kasama ang iba pang kasali sa senakulo bilang mga "mandurugo."
 
Sinimulan ang senakulo dakong 8:30 ng umaga at umikot ang mga partisipante sa halos buong Cupang na may distansiyang halos isang kilometro sa ilalim ng init ng araw. Ipinako ang gumanap na Kristo pagsapit ng tanghali. — Ernie Esconde/FRJ, GMA News