Trial run ng PNR papuntang Bicol, nagkaaberya sa Laguna
Nagkaroon ng aberya ang isinagawang trial run nitong Miyerkules ng umaga sa tren ng Philippine National Railways (PNR) na bibiyahe sana magmula sa Maynila patungong Bicol region. Inaasahan na makararating ang tren sa PNR substation nito sa Naga City kinagabihan ng Miyerkules subalit nasangkot ito sa isang aksidente sa San Pedro, Laguna. Dakong 8:00 a.m. nang mabangga ng tren ng PNR na gamit sa test run ang isang sport utility vehicle sa San Pedro. Wala namang naiulat na nasaktan sa nangyaring aksidente. Ayon kay Constancio Toledano, PNR-Naga manager, layunin ng test run na matiyak ang kaligtasan at tibay ng kinumpuning bahagi ng riles sa Sariaya, Quezon na nawasak dahil sa bagyo noong nakaraang Oktubre. Basahin: DOTC suspends PNR's Bicol Express after derailing incident Matagal na umano nilang hiniling na maibalik ang operasyon ng tren sa lalong madaling panahon para sa kapakinabangan ng publiko. Sinasabing naantala ang pagbabalik ng biyahe ng PNR patungong Bicol dahil hindi kaagad nakarating ang mga materyales at gamit sa pagkumpuni sa riles na nanggaling pa sa ibang bansa. - Michael B. Biando/FRJ, GMA News