Bangkay ng batang natagpuang wala na ang lamang-loob, susuriin ng SOCO
Isasailalim sa pagsusuri ng mga awtoridad ang mga labi ng apat-na-taong gulang na batang lalaki na natagpuan sa Pililia, Rizal nitong Huwebes na nakahiwalay na ang ulo sa katawan at wala na rin ang mga lamang-loob. Ang pakiusap na isailalim sa otopsiya ang mga labi ni Mark Escarmosa ay hiniling ng mga magulang ng bata upang malaman kung aksidente o sadyang pinaslang ang kanilang anak para kunin ang kanyang vital organ. Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kinuha ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga labi ni Escarmoso na nakaburol sa kanilang bahay sa Barangay Malaya. Halos buto na umano ang mga labi ng bata nang makita sa matalahib na lugar sa isang creek na hindi kalayuan sa bahay ng lolo nito. Hinihinala ng mga imbestigador na maaaring nahulog ang bata sa creek at ang mga hayop sa lugar ang posibleng kumain sa ilang bahagi ng katawan nito. Dahil mataas ang talahib, hindi umano madaling makikita ang bata na iniulat na nawala noong Marso 19, ayon sa pulisya. Ngunit nagtataka ang mga magulang ng biktima dahil hindi naman umano nasira ang suot na damit ng kanilang anak at wala rin ang tsinelas nito sa lugar kung aksidente umano itong nahulog sa creek. "Kung nalaglag siya dun (sa creek) yung tsinelas niya sana tumalsik man lang, wala po yung tsinelas niya dun," ayon sa inang si Elena. Para sa katahimikan ng kanilang isipan, nais ng ginang na malaman kung aksidente talaga ang pagkamatay ng kanyang anak o kung iniwan na lamang ito sa lugar na patay na. Bagaman mahirap na umanong suriin ang dahilan ng pagkamatay ng bata dahil wala na ang lamang-loob nito, maaari naman umanong makita kung naging marahas ang pagkamatay ng bata sa pamamagitan ng marka sa buto at bungo, ayon sa ulat. - FRJImenez, GMA News