ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang natagpuang patay sa isang creek sa Rizal, inilibing na


Inihatid na sa kanyang huling hantungan nitong Sabado si Mark Escarmosa, ang apat-na-taong gulang na bata na natagpuang patay at wala na ang mga lamang-loob sa isang creek sa Pililia, Rizal noong Huwebes. Sa ulat ni JP Soriano sa GMA news Balitanghali nitong Sabado, sinabing inilibing si Escarmosa sa isang public cemetery sa Rizal, tatlong araw makaraang makita ang kanyang mga labi sa matalahib na bahagi ng creek. Mahigit dalawang linggo ring hinanap ng kanyang mga magulang si Mark na iniulat nila sa pulisya na nawala noong Marso 19. Labis pa rin ang pagdadalamhati ng pamilya Mark dahil wala pa ring kasagutan ang kanilang mga katanungan kung ano ang nangyari sa kanilang anak. Basahin: Bangkay ng batang natagpuang wala na ang lamang-loob, susuriin ng SOCO Natagpuan ang halos buto na lamang na katawan si Mark na nakahiwalay ang ulo, wala na ang mga lamang-loob at isang binti. Hinala ng pulisya, posibleng aksidenteng nahulog si Mark sa creek at ang mga hayop sa paligid ang maaaring kumain ng mga nawawalang bahagi ng kanyang katawan. Ngunit matindi ang hinala ng ina ng bata na pinaslang ang kanyang anak at inihulog na lamang sa creek. Hinihintay pa ang resulta ng isinagawang post-mortem examination sa mga labi ni Mark na isinagawa ng mga tauhan ng SOCO (Scene of the Crime Operatives). Bagaman mahirap na umanong matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng bata, maaari namang makapagbigay ng ilang detalye sa insidente ang mga buto at bungo nito. Titiyakin din sa pagsusuri kung ang nawawalang si Mark talaga ang natagpuang bangkay bagaman kinilala na ito ng mga magulang sa pamamagitan ng suot na damit. - FRJImenez, GMA News

Tags: markescarmosa,