ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga pulis na nakunan sa video na may ginugulping lalaki, isinailalim sa 'restrictive custody'


Isinailalim na sa "restrictive custody" ang tatlong pulis na nahaharap sa kasong administratibo dahil sa paggamit umano ng sobrang dahas sa isang lalaki na makikita sa video na kumakalat ngayon sa internet.   Inilagay sa "restrictive custody" sina PO3 Fernando Acosta, PO3 Ritchel Antonio at PO2 Gerardo Bermudez ng Tarlac Provincial Police, ayon sa ulat ni Chino Gaston sa News To Go ng GMA News TV nitong Martes.   Ayon sa liderato ng Philippine National Police (PNP), malinaw na may pang-aabusong naganap na insidente sa bahagi ng tatlong sangkot na pulis.   "Puwede naman ding gumamit ang pulis natin ng masasabi nating reasonable force, sapat para i-restrain o i-kontrol natin yung tao. Pero 'yon nga, wala namang kadahilanan para gumamit ka ng excessive na puwersa laban sa tao na hinuhuli," paliwanag ni PNP spokesman Chief Superintendent Generoso Cerbo Jr..   Sa video na ini-upload ng 'di nagpakilalang tao, makikita ang tatlong pulis na pinapakalma muna ang isang lalaki na kinilalang si Jimmy Gregorio, ng Mababanaba, Tarlac City.   Naiulat na lasing umano si Gregorio at nanggugulo.   Sa simula, kinakausap lamang ng mga pulis si Gregorio ngunit pagkaraan ng ilang saglit ay nakitang tinulak na siya ng isang pulis.  Isang pulis naman ang sumipa sa lalaki, habang sumuntok naman ang isa pang pulis na naging dahilan para ito bumagsak sa lupa si Gregorio. Ngunit kahit nakatumba na ang lalaki ay makikitang sinusuntok pa rin ito ng isang pulis.   Iginiit naman ng mga pulis na ginawa lang nila ang kanilang trabaho at sinaktan lamang nila si Gregorio dahil una itong nanakit sa kanila, ayon sa ulat.   Dahil limitado ang kuha sa video, sinabi ni Cerbo sa hiwalay na pahayag na patuloy na magsasagawa ng imbestigasyon ang Paniqui Municipal Police Station sa nangyaring insidente.   Ayon kay Paniqui Municipal Police Station chief of police Superintendent Miguel Gusman, rumesponde ang tatlong pulis sa isang tawag kaugnay sa isang lasing na lalaki na nanggugulo sa lugar na nakilalang si Gregorio.   Idinagdag ni Gusman na nasaktan sa pagwawala ni Gregorio si PO3 Antonio, na napatunayan umano sa medical certificate na inilabas ng isang doktor.   Dahil dito, inireklamo si Gregorio ng direct assault at physical injuries sa Municipal Trial Court ng Paniqui, Tarlac sa ilalim ng Criminal Case number 19-2013.   "At any rate, investigations will continue to determine possible lapses in procedural actions in effecting arrests," ayon sa PNP. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News