Iba't ibang atraksyon sa Cebu ngayong summer
Hindi magpapahuli ang lalawigan ng Cebu sa paghahandog ng mga puwedeng gawin at pasyalan ng mga bakasyunista na naghahanap ng adventure ngayong summer. Katulad ng lungsod ng Lapu-lapu at Catmon na mayroon mga kanya-kanyang water activities na maaaring ihandog sa mga bakasyunista. Sa Lapu-lapu City, sinimulan na ang bagong underwater tour sa pamamagitan ng kanilang Yellow Submarine. Hanggang 35 katao ang maaaring isakay sa submarino na kayang sumisid sa karagatan ng hanggang 35 talampakan. Tiniyak ng pamunuan ng atraksiyon na ligtas ang pagsakay sa dilaw na submarino na aprubado umano ng Philippine Coast Guard at Maritime Authority o Marina. Samantala, sa Catmon naman ay maaaring magbabad sa dagat sa isang public beach resort na ilang metro lang ang layo mula sa highway ng bayan. Mamamangha rin ang mga turista sa iba't ibang rock formations sa lugar. Ilang kilometro mula sa beach resort, nakapuwesto naman ang ilang hot spring pool at maliliit na talon sa ilog para makapag-relax. - FRJ, GMA News