Kiram nais makipagkita sa Brunei sultan sa pagbisita nito sa PHL
Nais ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na makipagkita kay Brunei Sultan Haji Hassanal Bolkiah Mu’izzaddin Waddaulah upang humiling ng tulong sa pagresolba sa hidwaan sa Sabah. Nakatakdang bumisita si Bolkiah sa Pilipinas sa susunod na linggo. Sinabi ni Manny Vargas ng dzBB na umaasa umano ang Sulu Sultanate sa impluwensya ng lider ng Brunei para mawakasan na sa mapayapang paraan ang madugong bakbakan sa Sabah sa pagitan ng mga puwersa ng sultanato ng Sulu at mga sundalo ng Malaysia. Ayon sa ulat, sinabi umano ng tagapagsalita ng sultanato na si Abraham Idjirani na nais ni Kiram ang isang mapayapang solusyon sa hidwaan sa Sabah, na nagsimula pa noong Pebrero nang pumunta ang ilang mga tagasunod ng sultan doon upang igiit ang kanilang karapatan sa lupain sa hilagang Borneo. Nagresulta ito sa isang girian na humantong sa mga bakbakan noong Marso 1 at 2. Noong Marso 5, nagsagawa ang Malaysia mga opensiba para patalsikin sa lugar ang mga taga-sunod ni Kiram. Darating si Bolkiah sa Manila sa Abril 15 at mananatili hanggang 16. Ito ang kanyang unang pagdalaw sa bansa mula noong 2009 at ang kauna-unahan sa termino ni Pangulong Benigno Aquino III. Inaasahang pag-usapan ni Aquino at Bolkiah ang pagiging chairman ng Brunei sa Association of Southeast Asian Nations at pagpapatibay na rin ng relasyon ng dalawang bansa. "The Philippines and Brunei enjoy close relations. Brunei is a partner to the promotion of just and lasting peace in Southern Philippines as a member of the International Monitoring Team. It is also a host to some 21,000 Filipinos working mostly as skilled workers," ayon sa Department of Foreign Affairs. Sinabi rin nitong noong June 2011, nagpunta si Aquino sa Brunei at naulit pa ito noong Setyembre 2012 para dumalo sa Royal Wedding at Banquet ni Hajjah Hafizah Surunul Bolkiah. — LBG, GMA News