Pag-alis sa cedula, sinuportahan kapalit ng National I.D.
Sinuportahan ng isang mataas na lider ng Kamara de Representantes ang posisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na panahon na para alisin ang cedula o community tax certificate na sinimulang ipinatupad noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Sa pag-alis ng cedula, iminungkahi ni House Deputy Speaker for Mindanao Rep. Simeon Datumanong (Maguindanao), na ipalit dito ang kontrobersiyal na National Identification Card. Itinuturing ng kongresista na "stigma of colonization” ang cedula kaya dapat na itong ibasura tulad ng mungkahi ni BIR Commissioner Kim Henares. Ayon kay Henares, ang pambansang pamahalaan ang gumagastos sa pag-imprenta ng mga cedula na ipinamamahagi sa mga lokal na pamahalaan na silang nag-iisyu at naniningil sa mga kumukuha nito. Basahin: Cedula o community tax certificates, dapat na bang alisin? Malaking katipiran umano sa bahagi ng gobyerno kung hindi na sila mag-iimprenta ng cedula. Bukod dito, sa lokal na pamahalaan lang umano napupunta ang kinikita sa pag-iisyu ng nasabing dokumento. Paliwanag ni Datumanong, naging kalihim din ng Department of Justice, may panukalang batas tungkol sa national ID card na naaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara. Sa ilalim ng naturang panukalang batas na inihain ni Albay Rep. Al Francis Bicharra, tatagal ng 10 taon ang bisa ID card na renewable. Nakasaad dito ang ilang mahalagang detalye ng card holder tulad ng pangalan, tirahan, kapanganakan, at iba pang kailangan na impormasyon. Malaking tulong din umano ang card para mabawasan ang red tape dahil ang naturang card na ang gagamitin ng bawat Pilipino sa mga transaksiyon o iba sa pang bagay na kailangan niyang magpakita ng ID. Sakaling magdesisyon naman ang may-ari ng card na manumpa ng katapatan sa ibang bansa na kanyang pupuntahan, kaagad na mawawalan ng bisa ang kanyang hawak na national ID card. - RP/FRJ, GMA News