ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Coast Guard: Barko ng Tsino sa Tubbataha 'stable' ang posisyon


Nananatiling "stable" at nasa posisyon pa rin ang barko ng China na sumadsad sa Tubbataha Reef noong Lunes, ayon sa Philippine Coast Guard. Patuloy na binabantayan ng Coast Guard at mga tagapangalaga ng Tubbataha Reef ang lugar na pinagsadsaran habang hinihintay ang pagdating ng mga tauhan na tutulong sa pag-alis ng barko, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB. Ayon kay Philippine Coast Guard spokesman Lt. Cmdr. Armand Balilo, darating sa Sabado ang BRP Corregidor at BRP Romblon. Dagdag pa ni Balilo, nakasakay sa BRP Corregidor ang tauhan ng Special Operations Group at Marine Environment Protection Group ng Coast Guard. Sisimulan ang pagtanggal sa Chinese vessel mula sa bahura ngayong weekend. Samantala, sinabi ni Palawan Coast Guard commander Commodore Efren Evangelista na maayos naman ang panahon sa lugar at inaasahang mananatiling ganyan hanggang sa mga susunod na araw. Sumadsad ang barko ng China sa bahura bago mag-hatinggabi ng Lunes, tatlong buwan matapos sumadsad doon ang minesweeper na USS Guardian noong Enero 17. Nangyari ang panibagong pagsadsad ilang araw matapos tuluyang natanggal ang USS Guardian noong ika-30 ng Marso. Samantala, sinabi rin sa ulat sa radio dzBB na hindi naman naantala ang pagdagsa ng mga turistang diver sa Tubbataha Reef sa kabila ng insidente. Kasalukuyang pinagbawalan muna ng mga tagapangalaga ng reef ang pagsisid sa dalawa sa 15 divings posts sa Tubbataha Reef dahil sa salvage operation para sa USS Guardian. — LBG, GMA News