ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, ikinatuwa ang pagtigil sa pagtaas ng matrikula sa SUCs


Ikinatuwa ng Malakanyang nitong Sabado ang desisyon ng pamunuan ng iba't ibang state universities and colleges (SUCs) na magpalabas ng moratorium o ipatigil muna ang pagtataas ng matrikula sa undergraduate courses para sa School Year 2013-2014. Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, ikinagalak nila ang patalima ng mga SUCs sa resolusyon ng Commission on Higher Education na nanghikayat laban sa pagtataas ng matrikula sa susunod na pasukan. "Masaya tayo (na) tumugon sa recommendation ng CHED ang association ng (mga) iskwelahan at administrators," pahayag ni Valte sa ulat ng dzRB. Ayon kay Valte, inilabas ng CHED kamakailan ang naturang resolusyon upang maiwasan ang mga kolehiyo at unibersidad sa bansa na magpataw ng karagdagang bayad sa tuition sa darating na pasukan. Ayon sa isang ulat sa Philippine Star, inaprubahan ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) ang isang moratorium sa pagtataas ng tuition at miscellaneous fees sa lahat ng undergraduate courses sa bansa para sa darating na pasukan. Ayon pa sa PASUC, nakikisimpatiya ito sa panawagan ng mga estudyante at mga mag-ulan nila na pigilan ang pagtaas pa ng matrikula sa kolehiyo. Ang moratorium ay inilabas isang buwan matapos magpakamatay ang First Year college student na si Kristel Tejada ng University of the Philippines, dahil diumano hindi ito makabayad ng matrikula. Nagdulot ng matinding galit mula sa mga estudyante ang pagkamatay ni Tejada, at napilitan ang UP na ipatigil na ang polisiya nito na nagbabawal sa late payment ng tuition. — JGV /LBG, GMA News