Mga magsasaka sa Albay, umaasang madidiligan ng ulan ang kanilang mga tanim
Umaasa ang mga magsasaka sa Ligao City, Albay na magkakaroon ng ulan sa mga susunod na araw para madiligan ang kanilang mga pananim na labis na ring naapektuhan ng matinding init ng panahon. Sa ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV, sinabing nanghihinayang ang mga magsasaka dahil hindi tumutubo ng maayos ang kanilang mga pananim katulad ng mais. Marami na umano sa kanilang tanim na mais ang nasalanta at hindi na mapapakinabangan. Bukod sa matinding init ng panahon, nakadadagdag din umano sa problema ng mga magsasaka ang mga peste na sumisira rin sa kanilang mga pananim na nagiging dahilan ng kanilang pagkalugi. Umaasa na lamang sila na magkakaroon ng ulan sa mga darating na araw para hindi tuluyang masayang ang kanilang pinagpaguran. - FRJ, GMA News