Filtered By: Topstories
News

Pagbisita ng Salvation Army general sa PHL matagumpay


Tinuldukan ng pinakataas na opisyal ng Salvation Army ang kanyang apat-na-araw na pagbisita sa bansa sa pamamagitan ng pangunguna sa Commissioning and Ordination of Cadets/Ministers sa araw na ito (Linggo) sa Aliw Theater sa Sotto St., Pasay City, ayon sa pahayag ng grupo nitong Linggo. Sinabi rin ng pahayag na noong Sabado pinangunahan din ng London-based na si General Linda Bond ang pagtatalaga ng Philippine Territorial Commander na si Colonel Wayne Maxwell at Territorial President of Women’s Ministries na si Colonel Robyn Maxwell. Idineklara ng Major Miguel Tandayag ng SA Philippine Territory Manila Office na tagumpay ang apat-na-araw na pagbisita ni Bond. Nakatakdang lumabas ng bansa si Bond gabi nitong Linggo. Ang Salvation Army ay isang pandaigdigang organisasyong kilala sa pagkakawangn-gawa nito. Ito ay isang Kristiyanong grupo na nakarehistro sa Department of Social Work and Development (DSWD) bilang isang non-government organization sa loob ng nakalipas na 75 taon. Nagsimula ang SA sa London, England noong 1865. Magmula nito, naging abala ito sa mga gawaing direktang serbisyong panlipunan, pagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga nangangailangan nito, at pagbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad. Ang SA ay may presensya sa 126 na bansa sa buong mundo. — LBG, GMA News