Comelec binalaan si Kiko at Ping sa campaign posters
Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes ang dalawang senador na tumatakbo para sa reeleksyon na tanggalin ang kanilang mga poster sa mga ipinagbabawal na lugar. Maaaring madiskwalipika sa eleksyon sina Senador Panfilo Lacson ng oposisyon at Francis Pangilinan kapag hindi inalis ang kanilang mga campaign poster sa mga kalsada. "Within three days, they have to remove it or this (act) will be considered as under their consent which is a violation of the Fair Elections Act and a ground for disqualification," pahayag ni Abalos matapos ang tatlong oras na en banc session. Nakita umano niya ang mga poster ng dalawang senador sa mga pampublikong lugar sa Mandaluyong, San Juan , at Sta. Mesa. Tanging sa mga common poster area lamang na idineklara ng Comelec maaring magdikit ng mga poster ang mga kandidato. Nauna nang binalaan ni Abalos ang mga kandidato na sundin ang mga patakaran sa pangangampanya kung ayaw nilang madiskwalipika. Umabot sa 33 katao ang inaresto nitong Martes dahil sa paglalagay ng ng mga posters sa mga ipinagbabawal na lugar. Ilan sa kanila ay naglalagay ng poster para kay Pangilinan. Sinisi ni Pangilinan ang malabong patakaran ng Comelec kaya nalito ang kanilang mga volunteers na naglagay ng poster. Napakawalan lamang ang mga volunteers ni Pangilinan makaraang mamagitan ni Manila Mayor Lito Atienza. "Our youth volunteers who requested for materials were merely expressing their support by putting up our posters and did not mean any harm. We are thankful for Mayor Lito Atienza's intervention in the release of these student volunteers," sinabi ni Pangilinan sa isang pahayag. "I think it is best for the Comelec and our local government units to provide clearer guidelines on Comelec-designated areas where volunteers can put up posters so as to avoid a repeat of this incident," dagdag pa nito. Umapela rin si Pangilinan sa Philippine National Police na laging sundin ang due process lalo na ngayong panahon ng pangangampanya. "Abuse of the law through random arrests of people for postering violations, among other infringements, must not be tolerated. Now, more than ever, there is a need to uphold the rule of law," ayon dito. Samantala, 44 sa 153 party list organization ang pinayagan ng Comelec na kumandidato sa darating na eleksyon. Kabilang dito ang Bayan Muna, Association of Philippine Electric Cooperative (APEC), Akbayan Citizen's Action Party (AKBAYAN), Citizen's Battle Against Corruption (CIBAC), Buhay Hayaan Yumabong (BUHAY), Partido ng Manggagawa, Gabriela Women's Party (Gabriela), at Migrante Sectoral Party of Overseas Filipinos and Their Families. Nauna nang binasura ng Comelec ang petisyon para kumandidato ng grupong "Ang Ladlad" kaya nagpasyang tumakbo na lamang sa Senado ang pambato nito na si Danton Remoto. - Amita Legaspi, GMANews.TV