ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

23 pangolin, nasabat sa isang barko patungong Maynila


Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard nitong Martes ang 23 na mga pangolin (anteater) na natagpuan sa isang barkong patungong Maynila mula sa bayan ng Coron, Palawan.
 
Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB, nakakuha ang Coast Guard team ng tip na mayroon umanong sakay na anteater ang MV Maria Lydia.
 
Sinabi ni Coast Guard spokesman Lt. Cmdr. Armand Balilo, base sa inisyal na impormasyon na kanyang natanggap, na itinago ang mga buhay ilang sa bubong ng barkong dumaong sa Coron sa Palawan.
 
Ayon kay Balilo, patungo na sana sa Isla Puting Bato sa Maynila ang barko.
 
Nagsasagawa na ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nagmamay-ari sa mga pangolin. Kinokonsiderang endangered species ang anteater sa Pilipinas.
 
Nitong buwan, 400 kahon ng mga frozen anteater ang natagpuan sa Chinese fishing vessel na sumadsad sa Tubbataha Reef noong Abril 8.
 
Noong Lunes, napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na maaaring nagmulang Pilipinas ang mga anteater na nasabat sa Tsinong barko.
 
Nakadetina na sa Palawan provincial jail ang 12 Tsinong sakay ng barkong sumadsad sa Tubbataha Reef. Sinampahan na ang mga ito ng mga kaso dahil sa ilegal nilang pangingisda at sa pagtangkang pagsuhol sa mga park ranger. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News