PNoy: ASEAN leaders handang pag-usapan ang isyu sa South China Sea
Naniniwala si Pangulong Benigno Aquino III na magiging produktibo ang ginaganap na Association of Southeast Asian Nation summit sa Brunei, matapos ipahiwatig ng ibang lider sa Timog Silangang Asya na bukas sila sa pagtalakay sa mga isyu kaugnay sa South China Sea. “We should really be thankful that the whole of the ASEAN is willing to discuss these instead of, you know, putting it on the backburner. That, I think, is already a help,” paliwanag ni Aquino sa mga mamamahayag na nako-cover sa ASEAN summit noong Miyerkules ng gabi. Ayon sa pangulo, maituturing na “step in the right direction” ang pagturing ng ASEAN leaders sa isyu sa South China Sea bilang “one of the priority areas." “Nobody has objected, and everybody was listening and discussing it... Imbes na magtaasan ng tensiyon, parang mayroon talagang conscious effort in all aspects, if not to come up with that code of conduct, to at least ensure that there is no escalation of these disputes,” aniya. Bago umalis patungong Brunei para sa dalawang araw na summit, sinabi ni Aquino na hihikayatin niya ang ibang ASEAN leaders na bumuo ng isang "legally binding" na Code of Conduct on the South China Sea, at itulak ang implementayson ng Declaration of the Conduct of Parties. ASEAN at ang South China Sea Ang ASEAN ay isang samahang pang-rehiyon na kinabibilangan ng mga bansang Pilipinas, Brunei. Indonesia, Malaysia, Thailand, Cambodia, Singapore, Myanmar, Laos at Vietnam. Ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei pati na rin ang Taiwan at Tsina ay may kanya-kanyang pag-angkin sa ilang bahagi ng South China Sea, ngunit inaangkin ang kabuuan nito ng Tsina. Tinatawag ng Pilipinas na "West Philippine Sea" ang mga bahagi ng karagatan sa kanlurang bahagi ng bansa. Ito ay kinabibilangan ng mga isla ng Kalayaan Island Group, na bahagi naman ng pinag-aagawan na Spratly Islands. Kabilang rin sa West Philippine Sea ang Panatag shoal, kung saan nagkagirian ang mga barko ng Pilipinas at Tsina noong nakaraang taon. Sa huling ASEAN summit, hindi nagkaroon ng joint communique ukol sa isyu dahil umano sa pagtutol ng Cambodia, na siyang namuno sa pagpupulong noong nakaraang taon. Ayon sa mga opisyal ng Pilipinas, tumutol ang Cambodia marahil sa closeness nito sa Tsina, na ipinipilit ang "historical claim" nito sa West Philippine Sea. Sa isang ulat ng Agence France-Presse, inilarawan ang Pilipinas at Vietnam na "most vocal critics of China, samantalang ang Laos at Cambodia ay tinaguriang mga "tapat na kaalyado ng Beijing" sa loob ng ASEAN. "The South China Sea has immense regional and global importance because it is believed to sit atop huge deposits of oil and gas, while also being home to some of the world's busiest shipping lanes," dagdag ng ulat ng AFP. — JGV /LBG, GMA News