ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

7-anyos, aksidenteng nabaril ang 4-anyos na kapatid sa Cebu


Aksidenteng nabaril at napatay ng pitong-taong-gulang na batang lalaki ang kanyang apat-na-taong gulang na kapatid sa kanilang bahay sa Bantayan Island sa Cebu. Maaari umanong managot ang mga magulang ng dalawang bata sa pagkabigo na itago ang baril mula sa kanilang mga anak, ayon sa ulat ni Cebu affiliate Orchids Lapincao sa dzBB-Cebu noong Martes. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kababalik lang ng magkapatid at ng kanilang ina mula sa isang birthday party noong Linggo nang magpaalam ang mga bata na maglaro ng "Counter Strike," isang laro sa computer. Paalis na sana ng bahay ang ina upang hanapin ang kanyang asawa, ngunit nakarinig siya ng putok ng baril at tumakbo pabalik ng bahay. Pagkabalik niya, nakita na niyang duguan ang mas nakababata niya anak at nakahiga sa sahig. Agad niyang isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara itong dead on arrival. Iginiit ng magulang na hindi sa kanila ang baril. Ito umano ay pagmamay-ari ng yumaong lolo ng mga bata. Base sa inisyal na imbestigasyon, itinago ang baril sa silid kung saan nakalagay ang computer. Ayon sa mga imbestigador, maaaring humarap ang mga magulang ng mga bata ng kriminal na kaso sa paglabag ng Children's Protection Act. Hinala rin ng mga pulis, natuto ang mas matandang bata na gumamit ng baril sa "Counter Strike" isang larong barilan. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News