ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNP chief: Huwag iboto ang mga kandidatong nagbabayad sa NPA kapalit ang proteksyon


Nagbabala si National Police chief Director General Alan Purisima nitong Martes sa mga botante laban sa pagboto sa mga politikong nagbabayad ng salapi sa mga rebeldeng grupo kapalit ang payapa nilang pangangampanya, sapagkat kapag mahirang, maaari umano nila itong bawiin gamit ang pondo ng gobyerno.
 
“Actually, yung politician pag alam natin na nagbibigay sa kaaway ng gobyerno, bakit natin iboboto? Baka ipamigay lahat ng resources natin. So that is a signal for us citizens na huwag natin silang iboto,” ani Purisima sa isang chance interview matapos ang press conference sa PNP headquarters sa Camp Crame.
 
Nanawagan din ang Department of Interior and Local Government sa mga kandidato na iwasang bumigay sa demands ng mga rebeldeng grupo, partikular na ang New People's Army, na kilalang nangingikil ng "permit to campaign" at "permit to win" na kabayaran mula sa mga kandidato.
 
“Patuloy na mungkahi namin na huwag magbigay ng pera o kahit anong halaga dahil ito’y magpapalakas lang sa mga grupong ito, at maaring ipangbili pa nila ng bala ang perang makukuha para gamitin against government forces,” ani Interior Secretary Mar Roxas II sa nasabing press conference.
 
Nauna nang inihayag ng isang Army general na nakabase sa Visayas na kalahati ng mga kandidato sa kanilang lugar ay bumigay sa pangingikil ng NPA.
 
'Hands tied'
 
Gayunpaman, aminado si Purisima na walang magagawa ang PNP sa sitwasyong ito sapagkat wala umanong kasong maihahain laban sa mga magbibigay ng protection money sa mga rebeldeng grupo.
 
“Hindi kasi kaso yung pagbibigay. Ang kaso, pag magreklamo sila ng extortion,” ani Purisima.
 
Siniguro rin ni Roxas ang mga kandidato na ipagpapatuloy ng DILG ang pagsisikap upang mabigyan ng proteksyon ang lahat ng mga kandidato, partikular na sa mga probinsyang pinaniniwalaang kinasasakupan ng NPA.
 
“Bukas kami sa pakikipag-ugnayan. Kung kailangan ng route security, area security, tinutugunan naman ito ng PNP,”  ani Roxas.
 
Samanatala, iginiit rin ni Roxas na habang sinisikap nilang pigilin ang mga kandidato sa pagbibigay ng protection money sa NPA, nananatiling bukas ang DILG sa negosasyon at posibleng peace talks, na isinaayos ng Office of the Presidential Adviser to the Peace Process.
 
“Dun sa peace talks, you will have to refer to [Secretary] Ging Deles. Pero ang alam ko, patuloy ito on multiple levels,” ani Roxas.
 
Gayunpaman, siniguro niyang handa ang PNP na umaksyon laban sa NPA kung kinakailangan.
 
“Sa PNP, handang magbigay serbisyo. Kung kailangan silang tugisin, handa ang PNP. Kung nangangailangan magkaroon ng pangungusap, handa rin kami,” aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News