Kandidatong alkalde na dinukot umano ng NPA sa Davao Oriental, pinalaya na
Pinakawalan na nitong Huwebes ng hapon ng mga pinaniniwalang kasapi ng New People's Army (NPA) ang binihag nilang mayoralty candidate sa bayan ng Baganga, Davao Oriental. Sinabing binihag ng mga NPA nitong Miyerkules si Ronie Osnan matapos mabigo umanong magbayad ng tinatawag na "permit-to-campaign" fees sa mga lugar na kontrolado ng mga rebelde. Ayon kay Davao Oriental police chief Senior Superintendent Jose Carumba, si Osnan ay pinakawalan dakong 5:30 p.m. nitong Huwebes. Hindi naman sinaktan si Osnan ng mga bumihag sa kanya pero dinala pa rin siya sa Mati, Davao Oriental para sa debriefing. Idinagdag ng pulisya na hindi nila matiyak sa ngayon kung nagbayad si Osnan kaya pinalaya ng mga rebelde. Una rito, dinukot si Osnan, independent mayoralty candidate, ng mga armadong lalaki nitong Miyerkules matapos mangampanya sa Barangay Kampawan, Baganga. — FRJ, GMA News