ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang bahagi ng NCR, nawalan ng kuryente; 5 planta, pumalya


Nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Metro Manila at sa ilang franchise area ng Meralco nitong Miyerkules ng hapon. Apektado rin ang Light Rail Transit, kung saan dalawa sa kanilang linya ay pansamantalang inilagay sa code red – ibig sabihin walang bumibiyahe na tren at walang pinapapasok sa mga istasyon – matapos mawalan ng kuryente bandang alas-2 ng hapon. "Inaalam pa namin ano ang naging dahilan," ani Meralco spokesperson Dina Lomotan sa panayam ng dzBB. Ayon sa kanya, naghihintay pa sila ng impormasyon mula sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa naging sanhi sa pagkawala ng kuryente. Inihayag naman ng Meralco sa kanilang Twitter account na nawalan ng kuryente bandang 1:51 ng hapon. "At 1:51 p.m., a widespread power outage occurred within the franchise area of Meralco. Cause is still being checked," ayon nito. Sa ngayon, nagsagawa muna ang Meralco ng load dropping sa ilang mga lugar, at sinisiguro nilang hindi apektado sa outage ang mga kritikal na area tulad ng Malacañang at ng LRT. Sa hiwalay panayam ng GMA News Online, sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldariagga na ang pagkawala ng kuryente ay bunsod sa biglaang kakulangan ng suplay, ngunit sinusuri pa nila ang eksaktong sanhi nito. "What I can say is around three thousand megawatts ang nawala sa grid," ani Zaldariagga. Samantala, sinabi ng Light Rail Transit Administration na apektado ang kanilang operasyon dahil sa pagkawala ng kuryente. Inilagay sa code rode ang LRT – "all trains on hold position, no entry in all stations" – para sa Lines 1 at 2, ani LRTA spokesman Hernando Cabrero sa Twitter. Ngunit, dakong alas-3 ng hapon naibalik na ang operasyon ng LRT2 ayon sa tweet ng LRTA. Limang planta pumalya Samantala, sinabi ng National Grid Corp. of the Philippines na ang paghinto ng limang power plants ang dahilang ng blackout sa Luzon. Ayon sa pahayag ng NGCP sa kanilang Twitter account, 3,700 megawatts ang kakulangan ng enerhiya at wala pa umanong timetable kung kelan maibabalik sa normal ang power supply. "(But the) NGCP assures the public that its transmission lines are secure and fully functional. It will dispatch available capacities once the power plants are restored and online," ayon sa NGCP. Sinisiguro na man ng Department of Energy na hindi pananabotahe ang nangyaring blackout. Ayon kay DOE Secretary Jericho Petilla, gumawaga na sila ng paraan upang hindi maulit sa Election Day ang nangyari, ayon sa ulat ng dzBB. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News