ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Halalan sa Lunes, maging matagumpay kaya gaya ng inaasahan ng Comelec?


Sakabila ng mga legal na dagok na sinapit ng Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema, inihayag ni chairman Sixto Brillantes Jr. na handang-handa na sila sa gaganaping halalan sa Lunes, Mayo 13. Nitong nakaraang mga araw, ilang resolusyon na ipinalabas ng Comelec kaugnay ng gaganaping halalan ang hinarang ng Korte Suprema matapos patawan ng temporary restraining order (TRO) ng mga mahistrado makaraang may magreklamo. Kabilang sa mga resolusyon ng Comelec na nakatikim ng TRO ay ang "money ban" o paglilimita sa cash withdrawal ilang araw bago ang halalan; ang extended "liquor ban" na ipagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar sa loob ng limang araw mula sa dating dalawang araw; ang pagtatakda ng mas maigsing air time limit sa political ads sa radyo at telebisyon; at ang pag-alis ng kontrobersiyal na campaign posters gaya ng "Team Patay/Team Buhay." Basahin: Brillantes: Winning Senate bets could be proclaimed within two days after polls Ngunit sa kabila ng mga ito, inihayag ni Brillantes sa panayam sa GMA News TV's "State of the Nation With Jessica Soho," na handang-handa na ang Comelec sa halalan sa Lunes. "Palagay ko naman at this point wala na ho talaga kaming aayusin. Nakapreparasyon na kami lahat at siguro konting dasal na lang matatapos na tayo sa Lunes," pahayag ng opisyal. "Palagay ko naman this will be a successful May 13, 2013 elections," deklara pa niya. Kung magkakaroon man ng mga aberya, sinabi ni Brillantes na mangyayari ito sa mga tinatawag niyang "unpredictable" o sadyang hindi inaasahan. Pero sa usapin ng power o energy, pinaghandaan na umano nila ito kasunod na rin ng mga naganap na brownout sa Mindanao at ang biglaang brownout sa Metro Manila kamakailan. Ayon sa opisyal, bumili na sila ng maraming generation sets sakaling mawalan ng suplay ng kuryente sa ilang lugar. Binigyan din ng kapangyarihan ang mga election official na umarkila ng mga generation set kapag kinailangan sa kanilang lugar. At kahit may mga napapaulat na aberya sa ginagawang final testing at sealing, walang nakikitang magiging problema si Brillantes sa mga gagamiting PCOS machines. Kumpiyansa ang pinuno ng Comelec sa kakayahan ng mga makina na babasa at bibilang ng mga boto lalo pa't nakuha na rin nila ang "source code" nito.   Gayunman, aminado ang opisyal na lumalala ang problema sa vote buying dahil hindi na kayang dayain ng mga pulitiko ang bilang ng boto bunga ng paggamit ng makina sa bilangan. Ang vote buying ang dahilan kaya daw nais niyang maipatupad ang "money ban" na kasamang nakatikim ng TRO ng SC. Maging si Pangulong Benigno Aquino III ay nagpahayag ng pagtutol sa "money ban" dahil magkakaroon din ito ng epekto sa transaksyon ng mga negosyante o kalakalan. Sa usapin ng nagaganap na karahasan na may kaugnayan sa pulitika, sinabi ni Brillantes na batay sa talaan ng pulisya, higit pa rin na mababa ang datos ngayon ng insidente ng karahasan kumpara noong nakaraang eleksyon. Bagaman hindi maiiwasan ang mga karahasan ngayong halalan, kumpiyansa naman si Brillantes na higit pa rin magiging payapa ang halalan ngayong taon kaysa noong 2010 presidential polls. -- FRJimenez, GMA News