ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Ex-Pres. Joseph Estrada, nagbigay ng pahayag sa kanyang laban sa pagka-alkalde ng Maynila
Pinasasalamatan ko ang mga dakilang mamamayan ng Maynila sa paglalagay ninyo ng isang tunay na anak ng Maynila sa pagpapatakbo ng punong lungsod ng Pilipinas.
Sa araw na ito ay ipinamalas nyong lahat na nais nyong makita ang muling pagsilang ng Maynila bilang “Queen City of the Pacific,” ang “Perlas ng Silanganan.”
Ito ay kapuwa isang hamon, at isang lubos na mabigat na pananagutang nakaatang sa balikat nating lahat, laluna sa akin, at sa mga kasamahan kong opisyal na inihalal ninyo sa puwesto.
Mahal kong mga Manileño, hindi ko kayo bibiguin. Ako ay isinilang sa Maynila at mamamatay na patuloy na lumalaban para ibalik ang ganda at kadakilaan ng Maynila. Ngunit hinihiling ko na patuloy nyo akong tulungan ngayon, higit kailanman.
Nagpapasalamat ako sa inyong suporta at patuloy na humihingi ng inyong tulong sa aking pagsisilbi sa ating lungsod. Hindi ko maipapanalo ang eleksyong ito kung wala kayo, at hindi rin ako magtatagumpay sa pagkakamit ng ating mga pangarap para sa Maynila kung hindi ninyo ako tutulungan.
Simula ngayong gabi, tayong lahat ay magiging isa nang pamilya ng mga Manilenyo, na pinag-iisa ng mga pangarap at adhikain.
Ayokong bigyan kayo ng maling pag-asa. Ang hamon na gawing muling dakila ang Maynila ay hindi isang madaling gampanin. Ang mga gagawin at mga pangangailangan para maisakatuparan ito ay maunos tulad ng maalong karagatan ng makasaysayang Manila Bay.
Ngunit sa gabing ito, bumoto kayo upang suportahan ako, at gumawang kasama ko, at iyan ang dakilang simula ng isang lakbayin upang ang Maynila ay gawing karapat-dapat sa kahalagahang pangkasaysayan at pampulitika nito para sa buong kapuluang Pilipinas.
Sa harap ng maraming problema ng Maynila, ako, si Joseph Ejercito “Erap” Estrada, at ang aking opisyal na pamilya na pinangungunahan ni Vice Mayor Isko Moreno, at gayundin ang aking sariling pamilya, ay nangangako na lalo kong pag-iibayuhin ang aking paggawa higit sa aking mga pagsisikap sa nakaraan kong mga posisyong pulitikal.
Ito ay sa dahilang ang Maynila ay tunay na nasa aking puso.
Kaya, simula bukas, hinihiling ko sa aking magigiting na katunggali sa pulitika, at sa buong 1.6 milyong mamamayan ng Maynila, na sa wakas ay isa-isantabi na natin ang pulitika at magkaisa tayo na tulungan ako na maibalik ang Maynila sa kaluwalhatian nito noon bilang isa sa mga pinakadakilang siyudad ng mundo – ang Paris ng Asya.
Bukas, ay gigising tayo sa bukang-liwayway ng isang bagong Maynila.
Mabuhay ang Maynila!
Tags: josephestrada, erapestrada
More Videos
Most Popular