ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Taiwan, hindi muna tatanggap ng mga Pilipinong manggagawa


Hindi muna tatanggap ng mga Pilipinong manggagawa ang Taiwan bilang protesta sa pagkakabaril at pagkamatay ng isang Taiwanese na mangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Iniutos daw ito ni Taiwan President Ma Ying-jeou nitong Miyerkules upang ipakita ang "strong dissatisfaction" sa pagtrato umano ng Pilipinas sa insidente, ayon kay Lee Chia-fei, tagapagsalita ni Ma.

"President Ma expressed his strong dissatisfaction over the Philippines' lack of sincerity and its shifting attitude," ani Lee sa media.

Pinababalik ng Taiwan sa Pilipinas si Antonio Basilio, de facto ambassador ng Pilipinas, para umano tumulong ayusin ang sigalot.

Apat na hiling

Muli ring iginiit ng Taiwan na dapat humingi ng paumanhin ang Pilipinas sa nangyari. Nais din nitong maparusahan ang mga nakapatay sa 65-taong mangingisda, mabigyan ng kompensasyon ang pamilya nito, at magkaroon ng “fishing talks” sa pagitan ng dalawang panig.

"If the Philippine government cannot satisfy our side's four demands by 6:00 p.m. (1000 GMT) today, our government will adopt a second wave of sanctions," ani Lee.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Basilio sa isang pulong kasama si Taiwan Foreign Minister David Lin.

Ipadadala ng Pilipinas si special envoy Amadeo Perez upang muling ihayag ang  "deep regret and apology from the people of the Philippines" sa mga mamamayan ng Taiwan at sa pamilya ng napatay na mangingisda, ayon kay Basilio.

Gayunpaman, sinabi ni Taiwan Premier Jiang Yi-huah na "unacceptable" ang paghingi ng paumanhin ng "people of the Philippines" sa halip na ang gobyerno sapagat ang Coast Guard ang bumaril sa mangingisda.

Si Perez ang chairman ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na kumakatawan para sa Pilipinas sa Taiwan.

South China Sea

Naganap ang pamamaril sa gitna ng patuloy na pagtaas ng tensyon bunsod ng territorial dispute sa South China Sea.

Nagbabala na ang Taiwan na magsagawa ng naval exercise sa karagatan malapit sa Pilipinas.

Inihayag ni Lin nitong Lunes na kung hindi tutugunan ng Pilipinas ang kanilang mga hiling ngayong hatinggabi ng Martes, susupindihin nila ang pagpo-proseso ng mga aplikasyon ng mga Pilipinong manggagawang nais magtrabaho doon.

Ayon sa ulat ng Central News Agency ng Taiwan sa TaiwanNews.com, “[T]the diplomatic row comes after a Taiwanese boat, Kuang Ta Hsing No. 28, was strafed by a joint patrol of the Philippine Coast Guard and the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources while operating in the overlapping economic zones of the two countries."

Dagdag ni Lin, mayroong posibilidad ng mas matindi pang aksyon mula sa Taiwan kung hindi susundin ng Pilipinas ang kanilang kahilingan.

Mayroong 80,000 Pilpinong nagtatrabaho sa Taiwan. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News