ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapitolyo ng Cebu, naagaw ni Davide sa mga Garcia


Naiproklama na ng provincial board of canvasser nitong Biyernes bilang bagong gobernador ng lalawigan ng Cebu si Hilario "Junjun" Davide III, na tumapos sa maraming taong paghahari ng mga Garcia sa kapitolyo ng mga lalawigan. Nagkamit si Davide, kandidato ng Liberal Party, ng kabuuang 654,054 boto, laban sa malayong pumapangalawa na si Pablo John Garcia III, na may 490,149. Si Davide ay anak ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide. Habang si Garcia ay kapatid ni outgoing Cebu gov. Gwendolyn Garcia, na nahalal naman bilang kongresista ng third district ng lalawigan. Ang kanilang ama na dati ring gobernor na si Pablo "Pabling" Garcia, ay nabigong manatiling kongresista ng second district matapos matalo kay Wilfredo Caminero. Nagwagi rin ang running-mate ni Davide na si re-electionist vice governor Agnes Magpale. Si Magpale ang tumatayong acting governor ng Cebu matapos suspindihin ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Gwendolyn noong nakaraang Disyembre. Nakabalik naman bilang kongresista ng fifth district ng lalawigan si dating Tourism Secretary Ace Durano. Gayundin si Raul Del Mar na nanalong kongresista ng first district ng Cebu. - FRJ, GMA News