Resulta ng Eleksyong 2013, malinis at kapani-paniwala ba?
Nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) ang isang retiradong arsobispo na huwag balewalain ang sinasabing "pattern" sa mga boto na napuna ng isang math professor ng Ateneo de Manila University. Ayon kay retired Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dapat imbestigahan ng Comelec ang sinasabing “60-30-10” pattern na nakuha ng mga grupo ng kandidato sa nakaraang halalan. "There seems to be a moral improbability of such regular increases in number of votes, meaning kahit wala pang patunay na meron ngang dayanaan yung ganyang mathematical pattern ay hindi pwedeng mangyari lamang by chance," pahayag ni Cruz sa Radio Veritas. "Ang ganyang pattern usually according sa plans and programs project. 'Pag ganyang numero ang pinag-uusapan, very concrete realities mahirap sabihin na by chance lamang. Pero wala pa namang napapatunayan kaya dapat pag-aralan,” dagdag pa niya. Una rito, sinabi ni Prof. Lex Muga na batay sa kanyang napuna sa mga boto, naging pattern na 60 porsiyento ng mga boto ay napunta sa Team PNoy, 30 porsiyento sa United Nationalists Alliance (UNA) at 10 porsiyento sa mga independent candidates. “May pattern. Interesting pattern. Sabi ko nga na parang 60-30-10. Ang tanong ko, bakit ‘pag kunin mo ‘yung mga actual votes sa first canvass, second canvass, kuha sila mula sa isang probinsiya lang bakit 60-30-10 pa rin? Hanggang 16. ‘Di ba manggagaling naman sa iba-ibang probinsiya ang COCs (certificates of canvass) eh? So baka ‘di dapat ganun. Dapat merong variation," paliwanag ni Muga sa nakaraang panayam sa GMA News' "24 Oras." Basahin: Ateneo prof's 60-30-10 poll results pattern gets Comelec's attention Naniniwala naman si Cruz na malalaman naman ang katotohanan kung nagkaroon ng anomalya sa bilang ng mga boto sa pamamagitan ng paper trail. Sa nakaraang panayam, sinabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., na wala naman siyang napunang anomalya sa sinasabing "trend" ng mga boto. Gayunman, inatasan na niya ang information technology (IT) personnel ng ahensiya para pag-aralan ang sinasabing pattern. "Pinache-check namin. Tinitingnan namin kung ano ang basis at ginagawa pa rin. Hindi kami magko-conclude. Wala tayong iko-conclude dun. Okay lang. Sabi nila pattern. I don’t know if it’s pattern. Antayin ko muna mga IT," ayon sa opisyal. Basahin: 60-30-10: Nothing fishy Kaugnay nito, kinastigo ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng Catholic Bishops Conference of the Philippine, ang Comelec sa umano'y kabiguan nito na magawang malinis at kapani-paniwala ang resulta ng halalan. Kabilang sa mga pinuna ng obispo ay ang hindi paggana ng maraming PCOS machine, hindi pag-transmit ng mga boto, at mga alegasyon ng bilihan ng boto. Tutol din si Pabillo sa maagang pagproklama ng Comelec sa mga nanalong senador kahit marami pa umano ang hindi nabibilang na mga boto. Nais ding malaman ng obispo kung ano ang ginawang hakbang ng Comelec laban sa mga inakusahang namimili ng mga boto. “Nakakalungkot sa ganitong mga kaso ay wala namang na prosecute o wala namang napaparusahan. So, ano ang ginagawa ng COMELEC?," pahayag ni Pabillo sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas. "Ito ay malaking paglabag sa batas dahil walang ginagawa ang Comelec dito kaya lumalabas na ang ating Comelec ay inutil sa maayos na pagpapatakbo ng halalan," dagdag niya. - MP/FRJ, GMA News