ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sen. Villar vs Rep. Pacquiao: Sino ang mas mayaman?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kung si Senator Manny Villar ang pinakamayaman at nag-iisang bilyunaryo sa Senado, si Sarangani Rep. Manny Pacquiao naman ang pinakamayaman at nag-iisang bilyunaryo sa listahan ng mga kongresista. Alamin kung sino sa kanilang dalawa ang mas mayaman.

Base sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Villar para sa taong 2012, umabot ang kanyang kayamanan sa P1,452,615,408, at walang pagkakautang.

Samantala, sa ipinalabas na listahan na summary report ng Kamara de Representantes ng SALN ng mga kongresista para sa 2012, umabot sa P2,028,566,772.00 ang total asset ni Pacquiao.

Basahin: Sen. Manny Villar, bilyunaryo na uli; Escudero, 'pinakamahirap' na senador

Pero dahil mayroon siyang "liabilities" na P258,000,000.00, lumabas na ang net worth ng tinaguriang Pambansang Kamao ng Pilipinas ay P1,770,566,772.00 -- higit na mas mataas pa rin sa kayamanan ni Villar.

Sa kabila ng pagkatalo sa nakaraang dalawang laban, nagawa pa ring lumabo ang kayamanan ni Pacquiao. Noong 2011, nagtala siya ng P1.35 bilyong net worth sa kanyang SALN, at P1.134 bilyon noong 2010.



Sumunod na pinakamayaman kay Pacquiao ay si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, na mayroong P922 milyong net worth; Speaker Feliciano Belmonte Jr., P817 milyon; at Negros Occidental Rep. Albee Benitez, P702 milyon.

Kasama rin sa top ten richest  sina Negros Occidental Rep. Julio Ledesma, P590 milyon; Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, P474 milyon;  Las Pinas Rep. Mark Villar (anak ni Sen. Villar), P361 milyon;  Iloilo Rep. Augusto Syjuco, P301 milyon; Tarlac Rep. Enrique Cojuangco, P214 milyon; at Rizal Rep. Joel Roy Duavit, P195 milyon.

Itinuturing "pinakamahirap" na kongresista si Anakpawis Rep. Rafael Mariano na mayroong idineklarang yaman na P92,507.15, na bahagyang umangat mula sa kanyang SALN na P75, 711 noong 2011.

Nasa pang-20 puwesto naman si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na may idineklarang yaman na P120 milyon. -- RP/FRJ, GMA News