Sino ang nanguna sa pag-aaklas ng mga Waray laban sa mga Kastila?
Dahil sa tumitinding pang-aabuso ng mga Kastila sa mga manggagawang Pinoy mula sa Samar, nabuo ang planong pag-aaklas laban sa mga mananakop na dayuhan na naitala sa kasaysayan bilang "Sumoroy" revolt noong 1649. Sa pagbuo ng pangkat na mag-aaklas laban sa mga Kastila, tatlong lider ang nahirang -- ang mayamang si Juan Ponce; ang matapang na si Pedro Caamug; at ang anak ng 'babaylan' na si Agustin Sumoroy. Kahit pangatlo lamang si Sumoroy sa nahirang na lider, siya ang nagsilbing apoy para magliyab ang himagsikan sa Palapag, Northern Samar laban sa mga Kastila. Ito'y nang patayin niya sa pamamagitan ng sibat ang Jesuit priest ng Palapag na si Miguel Ponce Barberan. Ang pag-aaklas ng mga Waray ay itinuturing nagpasimula upang kumalat ang paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mga Kastila sa iba't ibang panig ng bansa. Kabilang na rito ang lalawigan ng Masbate, Leyte, Cebu, Bohol, at maging sa ilang bahagi ng Luzon at Mindanao. Naging sakit ng ulo sa mga Kastila ang pangkat ni Sumoroy na nagkuta sa kabundukan ng Palapag. Malaking puwersa ang ginamit ng mga mananakop upang madakip ito at ang kanyang ama. Sa isang engkuwentro noong Hulyo 1650, malubhang nasugatan si Sumoroy pero nagawa pa ring makatakas. Sa kasamaang palad, nagtapos ang kanyang buhay sa kamay ng kanyang kasamahan sa rebolusyon dahil sa kapalit na alok na kalayaan ng mga Kastila. - FRJImenez, GMA News