ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Queen of cyber porn' sa Region-7, nahuli sa Cebu


Dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ginang sa Cordova, Cebu na binansagan ng mga awtoridad na "queen of cyber porn." Isinagawa ang pagsalakay sa bahay ng suspek ng mga tauhan ng anti-human trafficking division ng NBI-Manila at NBI-Region 7 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Department of Homeland Security ng Amerika, ayon sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon. Gumagamit daw ang suspek ng mga minor de edad sa cyber porn operation nito. Kabilang umano sa mga biktima ng suspek ay ang mismong minor de edad na anak na babae at dalawa pang minor de edad na pamangkin na isang babae at isang lalaki. Ang tatlong biktima ay kabilang sa mga naabutan ng mga tauhan ng NBI sa bahay ng suspek, na ipinagkatiwa naman sa Department of Social Welfare and Development. Batay sa mga nakuhang ebidensiya sa bahay ng suspek, lumitaw na positibo umano na sangkot sa cyber pornography ang ginang. Ayon kay Atty. Antonio Pagatpat, director NBI, Region 7, ang pagbansag ng NBI-Manila sa suspek bilang "queen of cyber porn" ay indikasyon na malaking target ito. Sa panayam sa suspek, inamin ng ginang ang akusasyon sa kanya at sinabing isa sa kanyang mga kliyente niya ay nakabase sa Amerika na nagpapadala sa kanya ng bayad sa papamagitan ng electronic money transfer. - FRJ, GMA News