Minimum age sa criminal liability ng mga menor de edad, mananatiling 15-anyos, pero...
Nagdesisyon ang bicameral conference committee ng Senado at Kamara de Representantes nitong Martes na panatilihin sa 15-anyos ang minimum age sa criminal liability ng mga kabataang masasangkot sa krimen. Ayon kay Davao City Rep. Karlo Nograles, kasapi ng Kamara sa bicameral conference committee, pumayag sila sa bersiyon ng Senado na panatilihin sa 15 anyos ang minimum age sa criminal liability ng mga youth offender kaugnay sa ginagawang pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act. Nais sana ng Kamara na ibaba sa 12-anyos ang edad ng mga kabataang maaaring papanagutin sa krimen na kanilang kasasangkutan. Pumayag umano ang panig ng Kamara sa kagustuhan ng Senado na panatilihin ang edad na 15-anyos upang umusad ang ginagawa nilang pag-amyenda sa juvenile welfare act. “But if above 12 to 15 years old and commits parricide, murder, infanticide, kidnapping with homicide or rape, arson, rape, and carnapping where occupant is killed or raped or violation of dangerous drugs act punishable by 12 years imprisonment will be mandatorily placed in Bahay Pag-Asa Intensive Juvenile Intervention Center,” paliwanag ni Nograles. Ayon naman kay Sen. Francis Escudero, kinatawan ng Senado sa bicam panel, maituturing na mahalagang pagbabago sa batas ang pagpapataw ng parusa sa mga kabataang mahuhuli dahil sa pag-ulit ng krimen na kanyang nagawa. Paliwanag niya, hindi pa rin maaaring ikulong at idadaan pa rin sa "intervention" program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kabataang nasangkot sa krimen na nasa edad 15 pababa. Gayunman, nananatili pa rin ang probisyon na ang mga nasa edad 15 hanggang 18 ay maaari pa ring kasuhan kapag napatunayan na batid nila o may kamalayan na sila sa krimen na kanilang ginawa. "Ang significance siguro doon sa repeat offenders, kapagka may parehong krimen na na-commit niya o basta pangalawang offense matapos na i-subject sa rehabilitation program, gumawa ulit ng krimen ay pwede na siyang i-involuntarily i-commit sa isang facility sa pamamagitan ng pagsampa ng petisyon ng DSWD," paliwanag ng senador. Sinabi ni Nograles na sisikapin nilang maratipikahan ang panukalang batas sa susunod na linggo upang maipasa ito bago magtapos ang Kongreso sa susunod na buwan. “We will do our part to talk to our counterparts in our respective Houses in Congress to approve its ratification,” ayon sa kongresista. Kumpiyansa rin si Escudero na magagawa nilang ratipikahan ang panukalang batas dahil magsasagawa umano sila ng special session sa June 5. - RP/FRJ, GMA News