NBI team: Barko ng mangingisdang Taiwanese, may 40 butas ng bala
Nagtamo ng 40 na butas ng bala ng baril ang barkong sinasakyan ng Taiwanese na mangingisdang napatay sa engkwentro laban mga tauhan ng Philippine Coast Guard noong Mayo 9, ayon sa mga Pilipinong imbestigador na ipinadala sa Taiwan.
Kabilang sa mga tinitingnan ng NBI team ay kung nagkaroon ba ng paggamit ng labis na dahas sa insidente at kung nagkaroon ng banta ng pag-atake mula sa panig ng mga mangingisda.
Ayon sa ulat ni John Consulta ng GMA News, ikunwento ng mga kasamahan ng napatay na mangingisda ang kanilang naalala sa insidente.
“We will bring to Manila everything that we will gather so we can use it when we make our report,” ani Attorney Daniel Daganzo, pinuno ng NBI team na ipinadala sa Taiwan.
Ayon sa NBI, susuriin din nila ang "voyage data recorder" ng barko, upang malaman kung totoo ang sinabi mga Taiwanese na nasa loob ng karagatan ng Taiwan sila nang mangyari ang pamamaril.
Sa isang panayam, sinabi ni Taiwanese district attorney Chih Ming Hsieh, chief prosecutor sa Pintung district, ang balang tumama sa mangingisda ay tumagos sa barko, tumama sa leeg ng biktima at lumabas sa likuran. "[It] penetrated the wall of the vessel and hit the neck and went out the back."
Sa Manila, sinabi ng mga Taiwanese na imbestigador na kukwestiyunin nila ang mga testigo, kabilang na ang Philippine Coast Guard crew na nakatoka sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources patrol vessel na sangkot sa pangyayari.
Nakahanda na ang 17 Coast Guard crew para sa panayam ng mga Taiwanese na imbestigador, na inaasahang tataggal hanggang Biyernes.
Ang Philippine Coast Guard ay armadong maritime at marine law enforcement unit ng Department of Transportation and Communications.
Sa isang text message, sinabi ni DOTC Secretary Joseph Abaya na malakas ang kanyang loob na makikita sa imbestigasyon na sumunod sa patakaran ang PCG at ang pamamaril nila ay alinsunod sa "rules on the use of force." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News