ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 katao, patay sa sunog sa Las Piñas; bahagi ng Ospital ng Tundo, nasunog din


Tatlong magkakahiwalay na insidente ng sunog ang naganap sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila, kung saan pinakamalagim ang nangyari sa Las Piñas  City kung saan lima katao ang nasawi.

Dakong 1:50 a.m. nitong Sabado nang matupok ng apoy ang apartment complex sa Almanza 1 Compound sa Las Pinas, ayon sa ulat ng  radio dzBB.

Isa sa mga nasawi ay kinilalang si Erlinda Bautista, sinasabing may-ari ng apartment complex na natagpuan ang mga labi sa loob ng banyo.



Ang iba pang biktima ay kinilalang sina Rodel Cunanan, Alvin Lulen, at Rogelio Gunamet.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Sabado, sinabing ilang araw nang walang kuryente sa apartment complex bago nangyari ang sunog.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog.

Sa Tundo, Maynila, inilikas naman ang ilang pasyente sa Ospital ng Tundo matapos masunog ang bahagi ng ospital na sinasabing nagmula ang apoy sa laundry room.

Wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing sunog na nagsimula dakong 7:00 p.m. nitong Biyernes ay umabot lang sa ikalawang alarma.
 
Ilang pasyente ang iniulat na inilipat sa kalapit na pagamutan sa Mary Chiles Hospital at Jose Reyes Memorial Medical Center.
 
Pitong bahay naman na gawa sa light materials ang natupok ng apoy sa barangay Gulod, Novalichez sa Quezon City.

Walang nasaktan sa sunog at kaagad ding naapula ng mga bumbero ang apoy na nagsimula dakong 8:00 p.m. nitong Biyernes. - FRJimenez, GMA News