CIDG, kuntento sa sinumpaang salaysay ng may-ari ng sumabog na unit ng Two Serendra
Inihayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na kuntento na ito sa isinumiteng salaysay ng may-ari ng Two Serendra unit na sumabog noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng dzBB, sinabi ng Atty. Raymond Fortun, abugado ni Marianne Cayton-Castillo, may-ari sa sumabog na unit, na tapos nang kwestiyunin ng mga imbestigador ang kanyang kliyente.
Dagdag niya, ito na ang huling pagkakataon upang kwestiyunin si Cayton-Castillo.
Noong Biyernes, isinumite ni Cayton-Castillo kay Interior Secretary Mar Roxas ang kanyang sinumpaang salaysay at iba pang mga dokumento.
Nakatakda bumalik si Cayton-Castillo ngayong Lunes sa US, kung saan siya naninirahan kasama ang kanyang pamilya.
Dumating siya noong Hunyo 7 upang tumulong sa imbestigasyon at ipagtanggol ang kaibigang si Angelito San Juan, na kasalukuyang nasa ospital pa.
Nauna nang sinabi ni Cayton-Castillo na nakatuon siya ngayon sa kaligtasan ni San Juan kaysa sa pagsasampa ng kaso laban sa kung sino ang nasa likod sa "gas explosion" sa kanyang unit.
Hindi na magsasampa ng kaso
Samantala, wala nang planong magsampa ng kaso ang pamilya ng dalawang napatay sa pagsabog laban sa Ayala Land Inc., ayon sa hiwalay na ulat ng dzBB.
Ayon kay Lilibeth Natividad, biyuda ni Salimar Natividad, wala na siyang hangad na maghain pa ng reklamo laban sa kumpanya, at nais na lamang niyang malagpasan ang dalamhati sa biglaang pagkamatay ng kanyang asawa.
Kasalukuyan, 7-buwang buntis si Lilibeth sa ikatlo nilang anak ni Salimar, dagdag ng ulat.
Ngayong Linggo, nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan si Salimar.
Samantala, hindi na rin maghahain ang pamilya ng biktimang si Jeffrey Umali.
Ayon sa pamilya, hindi nito kaya ang gastusin kung isusulong ang kaso sa korte.
Sa naunang panayam, sinabi ng Ayala Land na binigyan na nito ng tulong ang pamilya ng mga biktima.
Nasawi sina Natividad, Umali, at Marlon Bandiola nang tamaan at matabunan ng pader mula sa unit 501-B ng Two Serenada habang padaan lamang ang kanilang sinasakyang delivery truck sa lugar. — RC, Amanda Fernandez /LBG, GMA News