ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy, 'gay friendly' na nga ba?


Sa isang global survey, napabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na sinasabing tanggap ang mga homosexual o ang homosexuality. Pero iba naman ang pananaw dito ng isang grupo ng LGBT o Lesbian, Gay, Bisexual and Transgendered community.   Sa pag-aaral ng US-based Pew Research Center na may titulong, “The Global Divide on Homosexuality,” lumitaw umano na 73 percent ng adult Filipinos na natanong ay naniniwala sa pahayag na, “homosexuality should be accepted by society.”   Sa 39 na bansa na isinama sa survey, pang-10 ang Pilipinas sa mga bansa na pinaniniwalaang tanggap na ang homosexuality.   Ngunit kung ang tatanungin ay si Jonas Bagas, executive director ng TLF Share, isang gay civil society group, mas akma umanong ilarawan na "tolerance" at hindi "acceptance" ang pagtingin ng mga Pinoy sa homosexuality sa bansa.   “I think hindi natin pwedeng sabihing sign 'yun ng gay friendliness, and in fact napaka-cosmetic ng pagtanggap sa mga LGBTs,” ani Bagas.   Idinagdag niya na tila tanggap lang umano ng mga Pilipino ang mga homosexual na pumapasok sa tinatawag na "stereotype" na bakla o mga entertainer.   "Okay ka basta nagfi-fit ka sa stereotype, okay ka basta isa kang entertainer. Pero isang LGBT politician? Hindi natin 'yan tatanggapin. Clearly, iba ang sinasabi natin sa surveys, sa pananaw natin sa homosexuality, pero yung totoong attitudes natin, taliwas sa lumabas na survey," patuloy ni Bagas.   Sa nasabing pag-aaral, 17 lamang sa 39 na bansa ang naitalang "majority acceptance of homosexuality." Kabilang naman sa top 10 ay ang mga bansang Canada (80 percent), France (77 porsyento), Australia (79 porsyento), Spain (86 porsyento), Italy (74 porsyento) at Argentina (74 porsyento).   “Brazilians and Filipinos are considerably more tolerant of homosexuality than their countries’ relatively high levels of religiosity would suggest,” ayon sa survey.   Sa panayam naman ng State of the Nation ng GMA News noong Lunes ng gabi, sinabi ng isang Katolikong pari na maaaring "Christian dignity" ang dahilan ng sinasabing resulta ng survey.   "Ayon sa itinuturo ng ebanghelyo, we should not judge other people, we should treat everyone with human dignity and Christian dignity,” paliwanag ni Fr. Lino Nicasio, SVD ng Sacred Heart of Jesus Parish.   Tolerance lamang   Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Bagas kung bakit hindi siya naniniwalang nakuha ng survey ang tunay na damdamin ng mga Pilipino tungkol sa homosexuality.   “Filipinos mistake acceptance of the so-called gay humor for 'gay-friendliness', a 'friendliness' that conveniently vanishes the moment LGBTs demand for equality. The moment we demand for access to health services, we are called 'AIDS carrier,’” aniya.   “The moment we ask for access to education, we are warned against recruiting students to homosexuality, or warned against getting into romantic relationships. The moment we ask for respect and for the recognition of our dignity, we are told that we are too loud, too flamboyant; we are reminded that gay sex is unnatural,” dagdag niya.   Ayon sa kanya, patuloy pa ring nakikipaglaban ang mga LBGT sa palaging ginagamit bilang punchline.   “Filipinos are friendly to the bakla who makes them laugh, who's creative and talented. But the moment that we demand for equality, we stop being the entertainers that you find funny; for you, we turn into a joke,” ani Bagas. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News

Tags: talakayan