ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gastos sa libing ng mga mahihirap na pumanaw, ipinapasagot sa gobyerno


May birong kasabihan ang ilang Pilipino na, "mahirap ang mabuhay pero mahirap din ang mamatay dahil mahal ang gastusin sa pagpapalibing." Kaya naman isang mambabatas ang nagsusulong ng isang panukalang batas na nagtatakda na gawing libre sa palibing ang mga papanaw na mahihirap na mamamayan. Sa isang pahayag nitong Miyerkules ni Misamis Occidental Loreto Ocampos, sinabi nito na hindi na dapat dagdagan ang pasakit ng mga mahihirap na namamatayan ng kanilang mahal sa buhay. Isusulong daw muli ng kongresista sa papasok na 16th Congress ang inihain niyang panukalang batas na ipasagot sa gobyerno ang gastusin sa palibing ng isang pumanaw na ang estado sa buhay ay nasa tinatawag na "below poverty" line. “A long list of funeral customs and traditions has to be observed before putting a loved one to his final rest, entailing a huge amount of expenses,” paliwanag ng kongresista. Puna ni Ocampos, ang mga mahihirap na pamilya ay hirap na sa paghahanap ng pera para may ipambili ng pagkain para mabuhay, kaya malaking pasanin umano sa mga ito ang malaking gastusin para maipalibing ang isang kaanak na namatay. Sa ilalim ng panukalang batas, kailangan lamang makahingi ng sertipikasyon sa barangay ang kaanak ng namayapa upang patunayam na tunay silang naghihikahos at walang sapat na perang pampalibing. Sa ipinalabas na datos nitong nakaraang Abril ng National Statistical Coordination Board (NSCB), sinabing lumabas sa isang pag-aaral na umaabot sa 27.9 percent ang poverty incidence sa unang semester ng 2012. Nakasaad din sa datos na dapat kumita ng P5,458 bawat buwan ang isang pamilya na may limang miyembro para lamang matugunan ang kanilang pangangailangan para pa lamang sa pagkain. Sa ilalim ng panukala ni Ocampos, aatasan ang pamahalaang nasyunal at lokal na maglaan ng sapat na pondo upang matustusan ang implementasyon ng panukalang mailibre sa libing ang mga mahihirap. -- RP/FRJ, GMA News

Tags: poverty, poor